Natupad na ang pangarap ng baguhang si Hiro Magalona na makasama sa cast ng top-rating youth-oriented show ng GMA-7 na Tween Hearts.
Ayon sa teen star, ito ang isa sa mga hiniling niya kay GMA Films president Annette Gozon-Abrogar nang pumirma siya ng three-year contract sa Kapuso network
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Hiro sa taping ng QTV 11 show na Full Time Moms noong January 25, masayang-masaya siya at excited nang mag-taping, lalo na't ito ang first acting job niya.
"Every Sunday kasi pinapanood ko yung Tween Hearts at nag-e-enjoy akong panoorin ito. Kaya naman sabi ko sa sarili ko, kung magkakaroon ako ng regular show, gusto ko Tween Hearts.
"Kaya nga dream come true para sa akin nang sabihin sa akin na papasok na daw yung character ko sa show.
"Ilang buwan din kasi akong naghintay, siguro mga isang buwan at kalahati, bago nila sinabi sa akin na mag-i-start na ako sa Tween Hearts."
MAGALONA COUSINS. Ayon pa kay Hiro, "Kamuntik-muntik na nga akong gumawa ng show sa ibang network kasi may kumukuha sa akin. Pero nung ipinagpapaalam na ako na hihiramin muna pansamantala habang wala pa akong gagawing project sa GMA , sinabi nila na makakasama na daw ako sa Tween Hearts.
"Kung ako naman kasi ang masusunod, mas gusto ko talaga sa GMA-7... Gusto ko rin kasing makatrabaho yung mga pinsan ko—sila Elmo, Maxene, Saab at Arkin."
Si Hiro ay pamangkin ng yumaong rapper na si Francis Magalona, ang ama nina Maxene, Saab, Elmo, at Arkin. Exclusive talents din ng Kapuso network ang Magalona siblings.
Dagdag ng binatang aktor, "Siguro pag nagkatrabaho kami [ng mga pinsan ko], mas makikilala nila ako at ganoon din ako.
"Kasi hindi kami nagkaroon ng pagkakataong magkakilala. Yung daddy lang kasi nila, si Tito Francis at si Lolo [the late Pancho Magalona] ang nakikita namin pag may okasyon sa pamilya.
"Pero alam ko na darating din yung time na makakatrabaho ko sila at siguro yun yung magiging isa sa pinakamasayang araw ko sa showbiz."
Kuwento pa ni Hiro, "Nakusap ko na si Ate Maxene nung nag-guest ako kasama ng mga candidates ng Mr. Olive-C sa Tweetbiz. Ipinakilala siya sa akin doon. Sobrang bait niya at kinilala niya ako bilang kamag-anak.
"Iba yung feeling ko nung mga sandaling iyon, sobrang saya talaga kasi nakausap ko siya at nagpalitrato pa kami. Sana lang mabigyan ako ng show na kasama ko kahit sino sa kanila.
WHY TWEEN HEARTS? Ano bang meron ang Tween Hearts at dito gusto makasama ni Hiro sa dinami-dami ng shows ng GMA-7?
"Parang masaya kasi yung show pag nanonood ako. Nakaka-relate ako sa mga nangyayari sa kanila, kasi nga teenager din ako.
"Pero okey din sa akin kung anong show o kung saan ako ilagay ng GMA, ang mahalaga may trabaho," sabi ng teen actor.
Ano ang role na gagampanan niya sa Tween Hearts?
"Wala pa naming nasabi sa akin sina Ma'am Lilybeth [Rasonable] at Ms. Hazel [Abonita]. Pero ang sabi nila sa akin, papasok na daw ako sa show nang umakyat kami nila Kuya Germs [German Moreno] sa 7th floor."
LOVE-TEAM PARTNER. Sa hanay ng female stars sa Tween Hearts, sino ang gusto niyang makapareha?
"Actually, wala dun," sagot ni Hiro.
"Kasi ang gusto ko talagang makasama, si Krystal Reyes. Kaya lang nasa Bantatay siya. Sayang nga, e," nakangiti niyang pahayag.
Dagdag niya, "'Tsaka lahat naman kasi sila may kanya-kanya nang ka-love team, kaya baka hanapan din nila ako pag pumasok na ako sa show."
Ang female stars ng Tween Hearts ay sina Barbie Forteza, Bea Binene, Joyce Ching, Lexi Fernandez, at ang bagong dagdag na si Kylie Padilla.
Bakit si Krystal ang gusto niyang makapareha?
"Kasi si Kyrstal wala pang ka-love team, bukod sa nagagandahan ako sa kanya. At kahit hindi pa kami nagkikita alam ko na mabait at maganda siya.
"Sana siya yung ipareha nila sa akin pag binigyan nila ako ng ka-love team, kasi alam ko miyembro din siya at isa sa ini-launch noon bilang tween stars," sabi ni Hiro.
FIRST MOVIE. Bukod sa pagpasok niya sa Tween Hearts ay nakatakda ring gumawa ng pelikula si Hiro sa Pebrero.
"Actually, sabi sa amin ni Mother Lily [Monteverde], mag-uumpisa na daw akong gumawa ng pelikula sa Regal Films kung saan naka-sign up ako sa kanila ng four years.
"Bale by February daw po ay mag-i-start na akong mag-shooting, hindi pa lang sinasabi kung ano ang pelikulang gagawin ko.
"At least pag nakagawa na ako ng pelikula, puwede ko nang sabihin sa sarili ko na artista na ako!" tawa niya.
"Kasi sabi nila, pag hindi ka pa nakakagawa ng pelikula, hindi ka pa 100 percent na artista. Kaya nga gustung-gusto ko na rin makagawa ng pelikula."