"Nasanay na nga ako na hindi siya nagsasalita, right? And I really appreciate his statement and his words. Kasi, it's too easy to just say something. At yung sinabi din naman niya na ida-divert niya yung attention or conversation. Kanina, wala, wala akong ine-expect at all. So, thank you, PJ," says KC Concepcion about Piolo Pascual's revelation about their relationship.

Photo: Noel Orsal

Pagkatapos ng live interview ni Piolo Pascual sa The Buzz kahapon, January 30—kunsaan inamin niyang sila na ni KC Concepcion—ay inusisa naman ng kanyang co-hosts na sina Charlene Gonzalez-Muhlach, Toni Gonzaga, at Boy Abunda si KC.

"My Princess" na nga ang tawag ni Charlene kay KC dahil ito raw ang term of endearment ni Piolo sa anak nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.

Kaugnay rin ng pahayag ni Piolo na noong October 21, 2010 sila opisyal na naging magkasintahan ni KC, nabanggit ni Toni na noong September 21, 2010 raw "nag-propose" si Piolo kay KC.

Pagkatapos daw ng proposal ni Piolo kay KC ay pumunta muna sa Europe ang TV host-actress para makapag-isip. Exactly one month after ay sinagot na raw ni KC si Piolo.

"Nagulat ako na sinabi pa niya ang date. Natatandaan pa niya!" natatawang sabi ni KC tungkol sa pagbanggit ni Piolo ng petsa kung kailan naging sila.

Alam ba ni KC na magsasalita na si Piolo tungkol sa kanilang relasyon?

"Hindi," sagot niya sabay iling.

Hindi nila pinag-usapan ni Piolo ang ginawa nitong pag-amin?

"No, no... not at all," sabi ni KC.

"Nasanay na nga ako na hindi siya nagsasalita, right? And I really appreciate his statement and his words. 

"Kasi, it's too easy to just say something. At yung sinabi din naman niya na ida-divert niya yung attention or conversation. 

"Kanina, wala, wala akong ine-expect at all. So, thank you, PJ."

THE GOOD GUY. Ayon kay Boy, sa tagal daw ng panahon, ngayon lang umamin si Piolo na he's in a relationship. Same goes with KC na ngayon lang din daw umamin publicly kaya masaya raw sila para sa dalawa.

Sabi naman ni KC, "I'd like to thank everybody sa mga nagmamahal sa amin ni PJ. Sa lahat ng supporters. He's really a good guy...a really, really good guy."