Napaiyak si Luis Alandy habang binabasa ang script ng magiging ending ng character niyang si Dante sa GMA-7 primetime series na Beauty Queen.
Paliwanag ng aktor, "First time kasi akong nabigyan ng ganitong klase ng role. Hindi ako kontrabida this time, but not a leading man also. Maganda yung focal point ng story at umikot talaga sa amin [ni Iza Calzado].
"Naiyak ako nang mabasa ko yung ending kasi magdi-detach na sa character. First time akong naapektuhan ng ganoon. Sobrang naging close ako sa character at artists involved."
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Luis sa thanksgiving presscon ng Beauty Queen noong Biyernes, January 28, sa 17th floor ng GMA Network Center.
Ayon kay Luis, wala pa siyang next project sa GMA-7 pagkatapos ng Beauty Queen—na magtatapos na sa February 4—pero nag-audition daw siya sa Marian Rivera-starrer na Amaya.
"Hopefully, makasama ako sa Amaya. Kasi, kailangan yata nila ng mukhang lupa doon!" biro ng aktor.
SEXY SCENES. Kung ipinakita ni Iza ang seksing katawan niya sa Beauty Queen, gayundin si Luis sa mga eksenang sumali siya sa bikini contests. Hindi nga lang siya nakapag-prepare nang una siyang nagsuot ng trunks sa series.
"Hindi nga ako masyadong nakapag-prepare that time. Nabigla ako dahil late dumating ang script.
"Kahit man lang nakapagpa-tan ako para hindi ako lumabas na maputi! Sayang, pero okey naman," kuwento ni Luis.
Hindi rin makakalimutan ni Luis ang pagpayag ni Gloria Diaz na madampian ng labi niya ang labi ng unang Miss Universe ng Pilipinas. Sa serye kasi ay nagkaroon ng relasyon ang mga karakter nina Luis at Gloria.
LUIS'S LOVE LIFE. Kumusta naman ang love life niya?
"Okey lang naman. Non-showbiz," matipid na sagot ni Luis.
Nagkaroon ba sila ng relasyon ng radio and TV host na si Andi Manzano?
"Hindi! Hindi naman sa niligawan. Like ko siya dati at lumalabas kaming magbabarkada kasama sina Andrei Felix," sabi niya.
Ano naman ang feeling niya't ikakasal na ang kaibigang si Marco Alcaraz kay Precious Lara Quigaman?
"Oo nga, e. Masaya ako para sa kanila dahil ang tagal na rin nila!
"Bagay naman sila pag titingnan mo. They compliment each other, hindi lang sa personal.
"'Saka nakita ko rin ang growth ni Marco. Yung pagma-mature niya as a human being.
"'Saka mas focused siya ngayon at nagkaroon ng direksiyon. Jampong nga yata ang tawagan nila!" natatatawang sabi ni Luis.
Kailan naman siya magpapakasal?
"Wala pa 'yon! Matagal pa!" bulalas ng aktor, who will turn 31 on February 7.