"My life has yet to unfold. Siguro nasa first chapter pa lang tayo. I still have to prove a lot and do...at least, fulfill my duties as a senator first," says Senator Antonio Trillanes IV about making his life story into a movie.

Photo: Noel Orsal

Para na ring artista si Senator Antonio "Sonny" Trillanes IV sa naging welcome sa kanya ng entertainment press sa presscon na ibinigay ni Mother Lily Monteverde para sa kanya, kasabay ng selebrasyon ng Chinese New Year, kagabi, February 2.

Ginanap ang presscon cum Chinese New Year party sa Imperial Palace Suites, Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Mother Lily, proud na proud siya sa paglaya ng senador, na nakulong ng pitong taon dahil sa kanyang pamumuno sa Oakwood mutiny noong 2003. Dati raw kasi ay binibisita lang ng Regal matriarch ang senador sa kulungan.

Isa si Mother Lily sa tumulong sa kampanya ni Sen. Trillanes noong 2007 elections habang nakakulong ito.

"REGAL BABY." Kaya kung isasapelikula man daw ang buhay ni Sen. Trillanes, hindi malayong sa Regal Films niya ibigay ang rights nito.

Pero ayon sa senador, "My life has yet to unfold. Siguro nasa first chapter pa lang tayo. I still have to prove a lot and do...at least, fulfill my duties as a senator first."

Nagpasalamat si Sen. Trillanes kay Mother Lily na mula umpisa ay sinusuportahan siya.

"Alam n'yo po, lahat po, natatakot na dumikit sa amin. Pero si Mother Lily, she never wavered and she showed a lot of courage and conviction in supporting as well. And for that, kaya naman po noong inimbitahan niya ako ngayong gabi, we really had to come and to repay, suklian yung kanyang suporta at tiwala sa amin.

"Maraming salamat po kay Mother Lily and sa entertainment industry who supported us all this time," saad niya.

Ayon kay Mother Lily, si Sen. Trillanes ang bago niyang Regal Baby. Kaya tinanong ng press ang senador kung may plano ba siyang mag-artista. Kung sakali, ano kayang klaseng movie ang gusto niyang gawin?

"Alam n'yo po, kung meron lang akong talent, why not? Kaso, talagang I'm not wiped for that. But I'm flattered, coming from Mother Lily, to be considered as an actor-material. Pero talaga pong hindi natin linya. Pero salamat po," nakangiting sagot ng 39-year-old senator.

Kung magiging Regal Baby siya, sino kaya ang gugustuhin niyang maging leading lady?

"Alam n'yo po, ang Regal babies, mga '80s po 'yun, that was my generation actually. And naaalala ko ho no'n, sila Gretchen Barretto, I think. Pero ano ho 'yan... My wife is here!" natatawa niyang biro kaya si Gretchen na lang ang nabanggit niya.

"MOST HANDSOME SENATOR." Siyempre pa, kinuha rin ng entertainment press ang reaksiyon ni Sen. Trillanes tungkol sa deklarasyon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na siya ang "most handsome senator."