"Um, right now, baka hindi pa ako ready. I'm not the type of person kasi na, not masyading sexy, in the way na I want to be really... Although I like a lot of men's magazines. They do it very tastefully," says Isabelle Daza about posing for men's magazines.

 

Photo: Mark Angelo Ching

Pumirma na ng three-year exclusive contract ang model na si Isabelle Daza sa GMA-7 kahapon, March 8, sa Executive Board Room ng Kapuso network.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Isabelle matapos maganap ang contract signing.

Ayon kay Isabelle, noong simula pa ng taon niya natanggap ang offer ng GMA-7.

Pero bago ito, marami na ring nagtatanong kung bakit hindi agad pumasok sa showbiz si Isabelle, anak ng aktres at kauna-unahang Miss Universe ng Pilipinas na si Gloria Diaz. Paliwanag naman ni Isabelle, hindi pa kasi siya handa noon na suungin ang mundo ng kanyang ina.

"I think maraming nagtatanong kung bakit ngayon lang ako sasali. For me, on my part, just last year and the year before that, hindi pa ako ready. I was still studying, and gusto ko pang tapusin yung pag-aaral ko, and siyempre, I want to do my own thing.

"I didn't want to be pressured to something I won't be happy doing. So now, 2011, I'm a bit older, I think mas independent na ako ngayon. I am independent. I can make decisions for myself. I mean, GMA gave me a very great opportunity to be a part of their network," pahayag ni Isabelle.

Nagtapos si Isabelle ng isang education course sa De La Salle University. Matapos nito ay kumaha agad siya ng pre-med course na Human Biology.

"Super nakakapagod, super stressful talaga!" deskripsyon niya sa kanyang pre-med subjects. "Alam mo, nagbukas kami ng mga cats, and I study the veins and the heart. And, yun."

Dahil sa showbiz ay iiwan niya muna ang medisina sa ngayon.

"I think it's on hold ngayon. I mean, when you enter things naman, nare-realize mo kung happy ka dun o hindi, and with pre-med, sobrang stressed ako and I didn't know if this is what's gonna make me happy.

"You know? I tried it, I really tried. Wala akong life for one-year-and-a-half. Pati yung mga commercial ko, I had to move the dates for my exams," saad niya.

NOT FOR THE MONEY. Pagpapatuloy ni Isabelle, susubukan niya na ngayon ang showbiz dahil tingin niya, dito siya magiging masaya. Hindi nga raw niya iniisip ang perang kikitain niya kapag sumikat siya.

"For me kasi, I like to do what makes me happy. Di ba? So, if this is what's gonna make me happy, maybe the money will just come. But that's not what I tried to do," saad niya.

Ngunit kahit excited na si Isabelle sa showbiz, ide-delay muna ang kanyang exposure sa network. Nais niya raw muna kasing maghanda ng mabuti para sa upcoming acting roles niya.



"Wala pa akong training, di ba? Siyempre I have to get comfortable with the camera, and gusto kong mag-workshop muna. We'll see. Slowly.

"I have a lot of friends in showbiz, and I'm asking for their help. I'm open to criticism, and slowly, I think I can get into acting," sabi niya.