"Galing na rin po ako dito, e, nandito na lahat ng kakilala ko. Saka sanay na rin po ako sa sistema, kahit papaano," says Andrea Torres on why she chose to sign up with the Kapuso network.

Photo: Mark Angelo Ching

May bago na namang young talent ang GMA-7. Ito ay si Andrea Torres, na pumirma sa three-year exclusive contract sa network kahapon, March 8.

Pinuntahan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang contract signing ni Andrea sa Executive Board Room ng GMA-7. Matapos ang pirmahan ay nakausap namin ang bagong talent.

Ayon sa 20-year-old actress-TV host, hindi na siya bago sa showbiz. Isa siya sa mga naging hosts ng Ka-Blog, ang dating youth-oriented magazine show sa GMA-7. Nabigyan din siya ng role You To Me Are Everything ng GMA Films, starring Marian Rivera and Dingdong Dantes.

Noong October 2010 nawala sa ere ang Ka-Blog, kaya naman masaya si Andrea na nabigyan muli siya ng tsansa ng GMA-7 na magkapangalan sa showbiz.

"Naku, nagtalon-talon po ako sa bahay! Kasi pinagdarasal ko po talaga," sabi niya.

Matapos ang Ka-Blog ay nag-concentrate muna siya sa commercial modeling. Ilan sa mga nagawa niyang commercial ay para sa Chowking, Nescafe, at Eskinol.

"Alam ko na opportunity din siya para mapansin. Kaya ipinagdasal ko rin talaga, na sana mapansin ako ng GMA, kunin ng GMA," dagdag niya.

Nag-concentrate din si Andrea sa pag-aaral. Kumukuha si Andrea ngayon ng Communication Arts sa University of Sto. Tomas. Ngunit ngayong may kontrata na siya sa GMA-7 ay binawasan niya muna ang units niya sa college.

Hilig niya raw kasi talaga ang showbiz at performing arts.

Kuwento niya, "Mula bata pa po kasi, hilig ko na talaga, kaya nagwo-workshop ako. Ang dami ko nang na-attendan na workshop, tapos nagpe-play ako sa school.

"Pero yun nga po, sa school po, active ako kasi hilig ko na talaga, e. Kaya habang hindi pa po ako nakakakuha ng project sa mga pinag-o-auditionan ko, dun muna sa school."

Hindi pa alam ni Andrea kung ano ang projects na ibibigay sa kanya ng GMA-7. Gayunpaman, mayroon na siyang mga pinapangarap na makapareha.

"Sana po, kung mabibigyan ako ng chance sina Dingdong Dantes, Dennis Trillo, Richard Gutierrez," sabi niya.

Tanong ng PEP, ano ba ang gagamitin ni Andrea para mapansin siya sa GMA-7?

"Siguro po, yung syle ng acting ko, saka yung personality ko, yung yung maiiba. Ano ako e, bubbly, kikay. Ganun," maikli niyang sagot.