"Kuya, thank you sa lahat ng pagpapasensiyang ibinibigay mo kay Bimby, sa pagmamahal na ibinibigay mo kay Mama, and sa lahat ng joy na ibinibigay mo sa aming lahat," was Kris Aquino's message to her eldest son, Joshua, who graduated yesterday, March 20.

Photo: Noel Orsal

Kahapon, March 20, ay nagtapos na ng intermediate school ang panganay na anak ni Kris Aquino na si Joshua, 16.

Ginanap ang commencement exercises ng Multiple Intelligence International School sa UP Film Institute.

Ang naturang eskuwelahan ay para sa lahat ngunit ito ay may special program para sa mga batang may learning disabilities, autism, at Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD).

Present sa graduation ni Josh ang karamihan sa members ng Aquino family, kabilang na si Pangulong Noynoy Aquino na nagbigay pa ng speech.

Hindi naman inimbita ni Kris ang ama ni Josh na si Phillip Salvador.

Bukod sa kanyang diploma ay nakatanggap din ng loyalty award si Josh.

Sa panayam ni John "Sweet" Lapus kay Kris para sa Showbiz Central, sinabi ng TV host-actress na very proud siya sa kanyang panganay na anak.

"Kaya proud na proud talaga ako sa na-achieve niya and itutuloy lang natin yun. Very supportive naman si Teacher Joy sa mga bago nating gagawin para sa kanya.

"Nung nag-start si Josh, hindi man makabigkas talaga ng words na clear. Tapos in the ten years na he was in MI, siguro sa dedication talaga ng mga teachers at sa pag-aalaga nila, talagang ngayon at least nakaka-communicate na siya.

"Nakita ko yung mga videos sa school na nagluluto... yung talagang step-by-step, na kaya na niyang magluto ng, well, yung mga favorites niya—tacos, lumpiang shanghai, mag-bake ng brownies."

Bunsod ng kanyang pagtatapos, sunud-sunod naman daw ang mga bagay na planong pag-aralan ni Josh.

Ani Kris, "After here kasi, they're going to transition him para matuto siya. Magbe-baking siya, twice a week yun. Tapos, meron siyang music class na three times a week.

"Tapos, kasi nga ang laki niya, so meron kaming circuit training. Bagong exercise yun na tatlong beses din sa isang linggo. Tapos three times a week din, swimming."

May special talent din daw si Josh sa pagtugtog ng piano.