"Napapansin lang ako na grabe akong magmahal, na luka-luka akong magmahal kasi ako 'to, e. Pero may mga iba pa sigurong tao na grabe pa sa akin. Actually, mabait pa ako nito, behave pa ako nito compared sa ibang mga kilala ko na parang tayo, kapag love na talaga, wala na," says Ethel Booba.

Photo: Noel Orsal

Ang controversial comedienne na si Ethel Booba ang sumalang sa "Straight From The Heart" segment ni Charlene Gonzalez-Muhlach sa The Buzz kahapon, March 20.

Siyempre pa, may kaugnayan sa pinakabagong kontrobersiya sa buhay ni Ethel ang pinag-usapan nila. Ito ay ang muntik nang pagkasunog ng condo unit niya dahil sa away nila ng kanyang Romanian boyfriend na si Marius Miria.

Itinanggi ni Ethel na sinadya niyang sunugin ang ilang mga kasangkapan sa loob ng condo unit niya sa Prince June Condominium sa Tomas Morato, Quezon City, noong March 11. (CLICK HERE to read related story.)

Pero ano ba ang naglalaro sa isipan ng komedyana nung mga oras na 'yon?

"Sobrang depression, talaga," sagot niya. "Kasi, ibang problem ang nangyayari sa akin that time. Tapos, sobrang lasing na lasing ako na that time, uminom pa ako ng antibiotic na hindi pa dapat. Sobrang ang sama ng loob ko talaga, as in sa lahat."

MISCARRIAGE. Isa raw dahilan ng depression niya ay nang nakunan ang anim na buwang baby na dinadala niya.

Kuwento ni Ethel, "Two days kasi akong nasa bed lang. Tapos, biglang sumakit lang yung dito, yung nasa likod ko, and then masakit siya. So, natulog ako. And then, naramdaman ko noong first night, parang nagtsi-chill ako, parang kinukumbulsiyon ka, ganoon.

"Tapos, yung alam mo na nagugutom ako, pero hindi ako makatayo. Kinokombulsiyon talaga. Hindi ko na makuha yung blanket. Nandiyan lang sa paanan ko, hindi ko na makilos ang katawan ko."

Sino ang unang tinawagan ni Ethel?

"Yung isang phone ko, konti na lang ang battery, sobra. Akala ko nga mamamatay na ako noon, sobra. Wala akong mahingan ng tulong kasi mag-isa lang ako noon," sabi niya.

Ang kapatid niyang si Boobita at isang kaibigan daw niya ang nagdala sa kanya sa hospital. 

Dahil sa paglilipat niya ng bahay, napilitan daw si Ethel na magbuhat ng mabibigat. Sinisisi ba ni Ethel ang sarili sa pagkakaroon niya ng miscarriage?

"Kasi, hindi naman talaga yun maano... Kasi, six months, di ba, dapat sobrang makapit na siya? Sanay na yung katawan ko na lagi akong nagbubuhat. Mas gusto ko na ako yung gumagawa. 

"Mas ano yata... mas mabilis daw mawala ang baby kapag magulo ang isip mo, nadi-depress ka. Bawal daw yun sa buntis," sabi niya.