"Hindi natin alam, baka sa future ma-develop or something. Pero for now, it's still in the process, processing..." says Matteo Guidicelli on the possibility that his rumored relationship with Maja Salvador may be revived when their movie hits the big screen.

 

Photo: Noel Orsal

Hindi na naitago ni Matteo Guidicelli ang kanyang kasiyahan sa pagiging parte ng bagong pelikula nina Sarah Geronimo at Gerald Anderson, ang Catch Me... I'm In Love. Kaya naman paulit-ulit niyang binanggit na sobrang natutuwa siya at nakasama siya sa movie poster nito.

"Natuwa talaga ako kasama ako doon sa poster kasi maliit lang ang role ko," ilang ulit na binanggit ng dating car racing champ sa media junket na inihanda kahapon, Marso 23, sa Sentosa Restaurant, Tomas Morato, Quezon City.

Itinuturing din ni Matteo na pinakamagandang regalo ito para sa kanyang ika-21 na kaarawan sa Sabado, Marso 26.

"Itong movie, sobrang blessing. This is my first movie ever and kasama ko pa si Sarah, Gerald, and Direk Mae Czarina Cruz. Talagang natutuwa ako na kasama ko sila."

Dagdag pa niya, "You know, kahit kaunting eksena lang, I still gave my 100 percent [to the character]. I did what my director wanted me to do. So, sana nagustuhan nila."

TEAM UP WITH MAJA SALVADOR. Pagkatapos ng Catch Me... I'm In Love, susunod na mapapanood si Matteo bilang bida sa pelikulang Basted, kung saan kapareha niya si Maja Salvador.

Ayon kay Matteo, two shooting days na lang at tapos na ang naturang proyekto na likha ng Skylight, ang digital production outfit ng Star Cinema.

Sa pelikulang ito, hindi ba siya nag-aalala na maaring muling lumabas ang mga usap-usapan tungkol sa umano'y espesyal na relasyon nila ni Maja?

Nakangiting tugon ni Matteo, "Hindi natin alam, baka sa future ma-develop or something. Pero for now, it's still in the process, processing..."

Ayon kay Matteo, hindi naman totoo ang mga nakaraang balita na niligawan niya si Maja. Gayunman, hindi niya itinanggi na, "Type ko siya."

Subalit tila hindi pa ito hahantong sa ligawan dahil para sa binatang aktor, "Concentrate muna sa trabaho. I worked with her and she's like an inspiration to me. Kasi, matagal na siya sa industriya and, you know, she helps me all the time. So, I always take my partner as my inspiration."

At bilang paglilinaw sa totoong relasyon nila ni Maja, ito ang sinabi ni Matteo: "Hindi naman ako [nanligaw] or anything, processing lang—processing friendship, closeness. We're really close friends."

HAPPY TO MAKE PEOPLE SMILE. Samantala, hindi naman kaila na galing sa isang may kayang pamilya ang dating Agua Bendita actor. Kung tutuusin, nakilala na siya bilang isang champion car racer bago pa sumabak sa showbiz. Pero ngayon, tila mas naitutuon na niya ang kanyang pansin sa showbiz kaysa sa car racing.

Ayon kay Matteo, nagustuhan na niya ang kanyang trabaho bilang celebrity. "What I wanna do talaga is to make people happy, to make people smile," aniya.

Hindi na bago para kay Matteo ang ganitong gawain dahil gustung-gusto niyang gumawa ng charity works. Bukod sa pagiging involved sa Habitat for Humanity, may tinutulungan din si Matteo na babaeng may kapansanan sa pagsasalita at pandinig para makapag-aral.