Kris Aquino has hosted several game shows before The Price is Right, including the highly successful Kapamilya Deal or No Deal, Game KNB?, and Pinoy Bingo Night.

Photo: Nimfa Chua

Mawawala na sa Primetime Bida ng ABS-CBN ang The Price is Right ni Kris Aquino.

Ang balitang ito ay galing sa isang source ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, March 24.

Simula pa lang ng linggong ito, umiikot na ang usap-usapan na ang Monday to Friday game show hosted by the Queen of All Media, na napapanood bago mag-TV Patrol, ay magiging once a week na lang.

Ang sinasabi umanong dahilan: poor ratings.

Noong February 5—o pitong linggo lang ang nakakaraan—nang ito'y nag-premiere.

Ngunit ayon sa March 17-21 ratings results ng Kantar Media-TNS National Household, nagtamo ito ng average na 14.93% viewership, na mas mababa kumpara sa 19.26% ng Magic Palayok, na pinangungunahan nina Carla Abellana at Geoff Eigenmann, sa GMA-7.

Samantala, ayon naman sa March 18-21 data ng AGB Mega Manila People Ratings, nagkaroon ang The Price is Right ng average na 4.55%, habang ang Magic Palayok ay nakakuha ng 9.85%.

Ayon pa sa source, "nagalit" si Kris nang ipaalam sa kanya ang pagbabago sa timeslot ng kanyang show. Hindi raw ito makapaniwala, at gusto raw nitong malaman kung bakit naging ganoon ang desisyon ng management.

Ngayong gabi, nang usisain ng PEP ang PR director ng ABS-CBN na si Kane Choa, nilinaw nitong hindi tuluyang mawawala sa ere ang The Price is Right. Lilipat nga lang daw ito ng Sabado.

Tulad din ng sinabi ng PEP source, sinabi ng PR director na ang remake ng Mula sa Puso ang papalit sa weekday primetime schedule ng game show.

Ang Mula sa Puso ay pinangungunahan ng young stars na sina Lauren Young, JM de Guzman, at Enrique Gil, at mga senior stars na sina Dawn Zulueta, Eula Valdes, at Ariel Rivera.

Ito ang buong pahayag ni Kane, na ipinadala kay Rommel Llanes, ang associate editor ng PEP, sa pamamagitan ng text message:

"Price Is Right will now air on Saturdays starting April to better serve the majority of its viewers. Its original weekday schedule will be taken over by Mula sa Puso starting March 28, Monday, before TV Patrol. -- Bong Osorio, Head of ABS-CBN Corp. Comm."