How close are Eula Valdes and Direk Wenn Deramas?

"Isang beses, meron akong ka-eksenang bata.  Sikat na siya ngayon. Pero nung time na yun... walang maibigay masyado nung time na yun yung bata. So, nahihirapan ako, dobleng effort ko.  Sabi ko sa director namin, excuse me po.  So, tawag ako kay Direk Wenn.  Sabi ko, i-motivate mo nga ako.  Minotivate niya talaga ako. Ganon kami ka-close!" she recounts.

 

Photo: Noel Orsal

Masaya si Eula Valdes sa reunion nila ni Direk Wenn Deramas para sa isang TV project.  Ito ay ang remake ng Mula Sa Puso na ipapalalabas sa ABS-CBN 2.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Eula, ang pagiging magkaibigan nila ni Direk Wenn ang isang rason kung bakit tinanggap niya ang offer na gampanan ang kontrabida role na unang ginawa ni Princess Punzalan sa original version ng serye.

Nagkuwento pa si Eula ng ilang mga anecdotes tungkol sa kanila ni Direk Wenn at kung paano nagsimula ang friendship nila.

"Matagal ko nang kaibigan si Direk Wenn. Sabay kaming halos pumasok dito sa ABS," simulang salaysay ni Eula.  "Writer siya noon.  Ako rin ang una niyang dinirek sa 'Kung Maibabalik Ko Lang' segment sa show ni Ms. Tessie Tomas. [Ito yung mga story ng] letter sender na ida-dramatized.  Ako ang una niyang artista.

"Ang tagal na naming magkakilala ni Direk Wenn. Sabi nga niya sa story conference namin, in-introduce niya ako na unang best friend niyang artista," proud na sinabi ng mahusay na aktres.

Magdadalawang taon na rin nang huling gumawa ng serye si Eula sa ABS-CBN nang mag-desisyon siyang magtrabaho muna sa  GMA-7.

Tinanong namin si Eula — may plano ba itong bumalik sa Kapamilya Network kung hindi siya inalok ng role ni Direk Wenn?

"Kung may magandang offer," aniya.  "Ang suwerte ko lang na yung sa pagbabalik ko dito, kay Direk Wenn ako magta-trabaho."

'MOTIVATE ME.' "Alam mo ba kung gaano ako kabilib kay Direk Wenn?  Isang beses, nag-MMK (Maalaala Mo Kaya) ako.  Iba yung director.  Meron akong ka-eksenang bata.  Sikat na siya ngayon.

"Pero nung time na yun, nahirapan akong humugot kasi kapag magka-eksena na kami... alam mo yun?  Walang maibigay masyado nung time na yun yung bata.

"So, nahihirapan ako, dobleng effort ko.  Sabi ko sa director namin, excuse me po.  So, tawag ako kay Direk Wenn.  Sabi ko, i-motivate mo nga ako.  Minotivate niya talaga ako. Ganon kami ka-close!" salaysay ni Eula.

Maliban kay Direk Wenn, isa rin sa mga itinuturing na kaibigang director ni Eula sa ABS-CBN 2 ay si Direk Lauren Dyogi.

"Si Direk Lauren sa Tatak Pilipino pa.  I mean, ganon na katagal."

Naalala namin ang isang interview namin with Eula noong nasa GMA-7 pa siya. Pinuri niya ang Kapuso Network at nasabing matatagalan siyang bumalik sa ABS-CBN 2.

Hindi itinanggi ni Eula ang sama ng loob niya sa ilang mga tao sa naturang network.