Kagabi, March 28, ay nagsimula nang mapanood si Mark Anthony Fernandez sa romantic-comedy primetime series ng GMA-7 na I ♥ You Pare, na pinagbibidahan nina Regine Velasquez-Alcasid at Dingdong Dantes.
Sa taping ng I ♥ You Pare kahapon sa Boiler Room, sa may Riverbanks Marikina, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mark.
Ginagampanan niya sa serye ang papel ni Chito Salazar, ang pinsang pulis ni Joel, na ginagampanan naman ni Marc Abaya.
"Si Joel, siya ang pinsan ko na humingi ng tulong sa akin para tulungan si Tonette na namumroblema sa kanyang buhay dahil nga nagdi-disguise siya," kuwento ni Mark.
Si Tonette ang pangalan ng character ni Regine sa serye, na kinailangang magpanggap na bading dahil pinaghahanap siya ng killers at mga pulis.
Alam daw ni Mark na babae talaga si Regine sa serye bilang si Tonya at medyo magkakagusto raw siya rito. Ito ang dahilan kaya magkakaroon sila ng konting conflict ni Dingdong.
"Konti lang, konting-konti. Hindi naman conflict na motivated," sabi ng aktor.
Ano ang naging reaksiyon niya nang makita niya si Regine na naka-anyong bakla?
"Kanina, speechless!" sagot ni Mark. "Pero noong una kong makita ang teaser nila ng I ♥ You Pare, bago mag-airing, sabi ko, magandang proyekto 'to, nakakainggit nang konti. Sabi ko, sana ako na lang ang nandoon. Yun."
Dagdag niya, "Natatawa ako kay Regine, lalo na kapag duma-dialogue siya, nakakatawa."
Ang I ♥ You Pare ang pangatlong proyekto na pinagsamahan nina Mark at Regine. Una silang nagkasama sa Ako Si Kim Samsoon at nasundan ng Diva.
MOVIE WITH CLAUDINE. Confidential pa raw kung ano ang next project ni Mark. Pero mas gusto raw nila ng kanyang manager na si Dondon Monteverde na pelikula muna ang kanyang gawin.
Ito yung matagal nang pinag-uusapang pelikula na pagsasamahan nila ng kanyang ex-girlfriend na si Claudine Barretto sa Viva Films.
Ayon kay Mark, "Ang pagkakaintindi ko, tuloy naman siya, anytime soon."
Yun nga lang, may balitang hindi na ito co-produced ng Viva Films sa GMA Films.




0

