Nagpahayag ng sampung-minutong tirada si Willie Revillame laban sa kanyang mga kritiko sa live episode ng Willing Willie kagabi, March 29.
Bagamat mahinahon ang boses ng kontrobersiyal na TV host, bakas sa kanyang mga salita ang matinding emosyon matapos malagay sa kontrobersiya ang March-12 episode ng kanyang variety and game show sa TV5.
Sa kanyang tirada ay pinatutsadahan ni Willie ang mga bumabatikos sa kaniya na ahensiya ng pamahalaan at mga artista. Nagbigay rin siya ng isang mensahe na tila nagsisilbing panakot sa mga advertiser na balak i-boycott ang kanyang programa.
Natunghayan sa March 12 episode ang six-year-old na si Jan-Jan, na sumasayaw na tila "macho dancer" sa talent portion ng isang palaro. Natuwa si Willie sa talent ng bata, at limang beses pang pinaulit sa bata ang pagsayaw na ito.
In-upload sa YouTube ang segment na ito, at dito na nagsimula ang pagbuhos ng galit ng publiko dahil umano sa "pag-abuso" ni Willie sa bata. Ayon sa mga kritiko, hindi dapat pinaulit-ulit ni Willie ang "macho dancing" ni Jan-Jan, dahil hindi umano natuwa ang bata sa kanyang ginagawa. Umiiyak pa nga raw ito sa pinakitang video. (CLICK HERE to read related story.)
Ilang ahensiya na ng pamahalaan ang nagbigay ng reaksiyon sa naganap na insidente. Dalawa rito—ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Commission on Human Rights (CHR)—ang agad na nagkondena sa tinawag nilang "child abuse." (CLICK HERE to read related story.)
Pinili naman ng Movie and Television Classification Board (MTRCB), sa pamumuno ng Chairperson nitong si Mary Grace Poe-Llamanzares, na mag-imbestiga muna bago magbigay ng sariling konklusyon.
May ilan namang mga artista at celebrity na nagbigay ng kanilang reaksiyon, kasama na sina Lea Salonga, Aiza Seguerra, Jim Paredes, Kat de Castro, Bianca Gonzalez, at Monique Wilson. Pumanig sila sa DSWD at CHR sa pagkokondena ng Willing Willie dahil sa "child abuse." Ayon pa sa ilan, hindi dapat palampasin ang paggamit umano ni Willie sa mga mahihirap para sa kanyang sariling kapakanan.
Ilan sa mga hakbang na iminungkahi ng mga nagprotesta ay ang pag-boycott sa Willing Willie, at ang pagsulat sa advertisers na hindi suportahan ang programa.
Dahil sa pagiging host niya ng Wowowee at ng Willing Willie, na loyal na tinatangkilik ng mahihirap at masang manonood, isa si Willie sa pinakamayamang tao sa Pilipinas. Bilang simbulo ng kanyang kayamanan, nagmamay-ari si Willie ng ilang malalaking bahay, dalawang yate, at isang koleksyon ng luxury cars.
Isa rin si Willie sa top taxpayers ng bansa sa 2008, ayon sa report ng Bureau of Internal Revenue noong April 2010. (CLICK HERE to read related story.)
WILLIE'S TIRADES. Dahil sa sunud-sunod na batikos ay pinili na ni Willie na maghayag ng kanyang depensa sa live episode ng Willing Willie kagabi, March 29.
Hindi na bago kay Willie ang paghayag ng saloobin sa kanyang mga live programs.
Ginawa na rin niya ito noong siya pa ang host ng Wowowee sa ABS-CBN, bilang reaksiyon sa batikos sa kanya sa pagpapatigil niya ng live feed ng libing ni dating Pangulong Corazon Aquino noong August 3, 2009. (CLICK HERE to read related story.)
Ang outburst naman niya sa Wowowee noong May 4, 2010, ang nagsimula ng alitan niya sa executives ng ABS-CBN. Sa naturang episode ay hayagan niyang hinamon ang mga executive na magre-resign siya sa noontime show kung hindi patalsikin sa network ang showbiz commentator na si Jobert Sucaldito na madalas diumano siyang tirahin. (CLICK HERE to read related story.)




0

