Wendell Ramos explains why he's happier these days: "'Yong magandang plano nila (TV5) for my career, doon ako napa-oo. Bukod sa TV shows ay gagawa rin daw ako ng movie for them. Ang importante rin ay wala kang binu-burn na bridges... hindi mo rin naman masasabi kung magtatrabaho ka ulit sa istasyon (GMA-7) na yun, di ba?"

Photo: Glen P. Sibonga

Masaya si Wendell Ramos dahil mainit ang naging pag-welcome sa kanya ng mga co-stars niya, pati na rin ng production staff, sa sitcom ng TV5 na Hapi-er Togeder. Ito at napapanood tuwing Martes ng gabi pagkatapos ng Mga Nagbabagang Bulaklak.

"Happy ako kasi hindi nila ipinaramdam sa akin na ako yung bagong-pasok sa show. Maganda agad ang treatment nila sa akin sa first taping pa lang. At saka yung iba naman sa kanila nakatrabaho ko na rin before sa kabilang istasyon.

"Si Kuya Joey (Marquez) matagal ko nang kakilala, at saka dati kaming hawak ni Tito Dougs," sabi ni Wendell. Ang tinutukoy na Tito Dougs ay ang yumaong si Douglas Quijano, na manager din dati nina Richard Gomez, John Estrada, Lucy Torres, at marami pang iba.

Kumportable rin daw siya agad sa ibang cast ng sitcom na kinabibilangan nina Long Mejia, Leo Martinez, Nova Villa, Soxy Topacio, Tuesday Vargas, Keanna Reeves, Kean Cipriano, Carla Humphries, Princess Ryan, Jon Avila, Gerald Yranon at Sammy Lagmay.

Pati ang direktor nilang si Al Tantay ay nakasuporta rin sa kanya.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Wendell sa press visit sa taping ng Hapi-er Togeder sa RSVP Studios sa Sucat, Parañaque last March 31.

HAPPY KAPATID. Ayon kay Wendell, bagay na bagay raw ang title ng show sa kasiyahang nararamdaman niya ngayon bilang isang Kapatid pagkatapos niyang lumipat sa TV5 mula sa GMA-7.

"Happier? Masasabi nating ganun dahil nakikita naman ng mga tao na hindi lang isa ang show ko dito sa TV5. Dere-deretso akong napapanood ng mga tao dito sa Hapi-er Togeder at sa Babaeng Hampaslupa.

"Okay din naman doon sa pinanggalingan kong network, kaya lang ngayon mas hindi pa kami ganun karami dito sa TV5 kaya mas maraming trabaho rin ang naibibigay sa mga stars nila. Siguro right timing lang din. I feel blessed at masasabi ko na happier talaga," aniya.

Nagpapasalamat nga raw siya sa bagong manager niya na si Perry Lansigan at binuksan nito ang oportunidad na makapagtrabaho siya sa ibang network. Si Perry ay manager din nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, Goeff Eigenmann at marami pang iba.

Pero ano ba ang dahilan at pinili niyang lumipat sa TV5?

"Siguro para ma-explore din namin at para maiba rin. Napagdesisyunan namin ni Perry na i-try ko naman sa ibang istasyon. Nagpaalam kami sa GMA at maayos naman lahat."

Isang factor din ba na malaki ang offer ng TV5?

"Hindi ko naman ide-deny iyan, kasi sa panahon ngayon siyempre naghahanap ka rin naman kung saan ka kikita ng mas malaki. Pero ang mas malaking factor ay iyong magandang plano nila for my career, doon ako napa-oo.

"Bukod sa TV shows ay gagawa rin daw ako ng movie for them. Ang importante rin ay wala kang binu-burn na bridges... hindi mo rin naman masasabi kung magtatrabaho ka ulit sa istasyon na yun, di ba?"