Idinaos ang 8th Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society, Inc. (Enpress), sa Teatrino, Promenade, Greenhills, noong Sabado, April 2, 2011. Ang Enpress ay kinabibilangan ng mga entertainment reporters, editors, at columnists ng ibat-ibang media.
Dinaluhan ito ng ilan sa pinakamalalaking pangalan ng industriya.
Ang comedienne na si Eugene Domingo at ang actor-politician na si Roderick Paulate ang tumayong hosts ng programa. Sila ang mga nanalong Best Actress at Best Actor (in a Musical or Comedy Motion Picture), respectively, noong nakaraang taon.
MIX OF NEW & VETERAN TALENTS. Ang pelikulang Emir ng Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines ang nagwaging Best Motion Picture (Musical or Comedy).
Ang direktor nitong si Chito Roño ang nanalong Best Director.
Ang bida ng Emir na si Frencheska Farr ang nanalo sa kategoryang Breakthrough Performance by An Actress.
Nag-tie naman sa Breakthrough Performance by An Actor sina Martin del Rosario para sa Dagim at Rocky Salumbides para sa Tarima.
Ang Sigwa ang itinanghal na Best Motion Picture (Drama).
Dalawa sa cast members nito ang nagwagi ng acting awards—sina Tirso Cruz III (Best Supporting Actor) at Zsa Zsa Padilla (Best Supporting Actress).
Nagpasalamat si Tirso sa aniya'y napakagandang birthday gift. Nagdiwang ng kanyang "50-something" birthday ang dating matinee idol noong April 1. Pinasalamatan din ng aktor ang kanyang asawa at mga anak, at ang Diyos "who graciously loaned me this talent."
Halata namang nagulat sa kanyang award si Zsa Zsa, na naroon upang tanggapin ang "Icons" award sa ngalan ng kanyang partner na si Dolphy.
"Nagpunta lang naman ako dito para tanggapin yung award ni Tatay Dolphy. Isang malaking sorpresa ito para sa akin. Ito po ay labor of love sa karamihan sa amin."
Dagdag nito, tungkol sa direktor ng Sigwa na si Joel Lamangan, "Direk, ginawa ko yung pelikula dahil mahal na mahal kita," saad ng Divine Diva.
Ang nakakuha ng top acting honors—Best Actor at Best Actress—ay sina John "Sweet" Lapus (Here Comes The Bride) at Angelica Panganiban (Here Comes The Bride) sa Musical or Comedy category.
Sina Sid Lucero (Muli) at Lovi Poe (Mayohan) ang nakakuha ng top acting honors sa Drama category.



0

