Starting April 11, Monday, viewers of I ♥ You Pare will now see Iza Calzado portray the role of Tonette/Tonya after the Kapuso network decided to give Regine Velasquez-Alcasid a much-needed rest because of her "severe migraine attacks."

Photo: Noel Orsal & Rowie Gutierrez

Papalitan na ni Iza Calzado si Regine Velasquez-Alcasid sa primetime series ng GMA-7 na I ♥ You Pare.

Ito ang kinumpirma ng Kapuso network sa pamamagitan ng statement na ipinadala ng GMA Entertainment Television sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ngayong gabi, April 7.

Ayon sa statement, pinayuhan daw ng kanyang doktor ang Asia's Songbird na magpahinga nang husto dahil sa "severe migraine attacks" nito. Ibinigay naman ng GMA-7 ang nararapat na pahinga para sa singer-actress.

Hindi naman binanggit sa statement kung may kinalaman ba ang pagpapahinga ni Regine sa nababalitang pagbubuntis nito sa una nilang anak ng kanyang mister na si Ogie Alcasid. Ayon kasi sa reports ay limang linggo nang buntis ang Asia's Songbird, bagamat wala pang pahayag ang mag-asawa tungkol dito.

Narito ang kabuuang statement ng GMA Network tungkol sa pagpalit ni Iza kay Regine sa I ♥ You Pare:

"Nais pong ipaalam ng GMA Entertainment Television na ang role na Tonette o Tonya sa hit series na I ♥ You Pare ay gagampanan na ni Ms. Iza Calzado simula ngayong Lunes, April 11.

"Pinayuhan ng kanyang doctor si Ms. Regine Velasquez na pansamantalang magpahinga ng husto dahil sa severe migraine attacks niya na maaaring dala ng puyat at pagod sa taping. Pinasiyahan ng Network na ibigay kay Regine ang nararapat na pahinga para sa kanyang agarang paggaling.

"Puno ang tiwala ng Kapuso Network sa kakayahan ni Iza na ipagpatuloy at gampanan ang karakter na iiwanan ni Regine at lubos ang pasasalamat ng management sa buong pusong pagtanggap niya dito.

"Iniimbitahan ang mga tagasubaybay ng I ♥ You Pare na abangan ang mga masasayang eksena nina Iza at Dingdong Dantes sa mga susunod na episode.

"Ang I ♥ You Pare ay isang orihinal na konsepto ng Kapuso network at tuloy-tuloy na magbibigay-saya sa mga manonood gabi-gabi."