Jan-Jan's parents, Jojo and Diana Suan, claimed that they have been transferring homes since controversy over the March-12 episode of Willing Willie, where their son appeared, started. Willing Willie is a game-variety show hosted by Willie Revillame (in photo).

Photo: Melo Balingit

Nagsampa ng kasong libelo ang mga magulang ni Jan-Jan Suan, ang six-year-old contestant sa March 12 episode ng variety-game show na Willing Willie, laban sa child psychologist na si Dr. Ma. Lourdes "Honey" Carandang kaninang umaga, Abril 13, sa Quezon City Prosecutor's Office.

Kasama rin sa kinasuhan ng mag-asawa ang mga bloggers na sina John Silva at Froilan Grate. Matatandaan na pareho nilang inilathala sa Internet, sa blog, at sa Facebook ang kanilang pagkadismaya sa March 12 episode ng Willing Willie, kung saan makailang ulit na nagsayaw ng "macho-dance routine" ang bata.

Sa ulat ni Jing Castañeda ng ABS-CBN News, sinabi nina Jojo at Diana Suan na ang patuloy na pagsabing biktima ng child abuse ang kanilang anak ay nagdulot sa kanila ng "dishonor, discredit or contempt."

Muli ring inulit ng mga magulang ni Jan-Jan na hindi nila pinilit ang kanilang anak na sumayaw. Gayundin, hindi rin sila naniniwala na may pang-aabusong nangyari, lalo pa ang hayaan maabuso ang kanilang anak kapalit ng pera.

Iginiit din ni Jojo na ang mga taong nang-aabuso sa kanilang anak ay yung mga patuloy na umaakusa at nagsasabi ng negatibong komento tungkol sa kanila.

Binanggit din ng ama ni Jan-Jan na dahil sa mga pangyayari, hindi na sila nakakatulog nang maayos nitong mga nakaraang linggo at palipat-lipat na rin sila upang magkaroon ng kaunting privacy.

Samantala, muling kinuwestiyon ni Atty. Leonard de Vera, ang legal counsel ng Willing Willie host na si Willie Revillame, ang akusasyon ni Dr. Carandang na naabuso ang bata dahil hindi pa man umano niya nakakausap nang personal si Jan-Jan o ang kanyang pamilya.

Para kay Atty. de Vera, ang sulat ni Dr. Carandang sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ay naging dahilan din ng pagsasagawa ng imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at MTRCB.

Sinabi pa niya na maaring bahagi si Dr. Carandang ng kilusan upang sirain si Willie at ang programa niya.

At katulad ng kanyang mga naunang pahayag, muling inulit ni Atty. de Vera na konektado si Dr. Carandang sa ABS-CBN.

Aniya, si Dr. Carandang ay nagtratrabaho bilang consultant at resource person ng ABS-CBN personnel-related activities ng kumpanya.

Matatandaang may alitan ang ABS-CBN at si Willie Revillame, na humantong sa korte, dahil sa paglipat ng host sa TV5 habang may kontrata pa ito sa ABS-CBN.