Minsan pang nanaig ang nagkakaisang damdamin ng pagmamahal at magandang pag-aalaala para sa namayapang aktor na si AJ Perez—o Antonello Joseph "AJ" Sarte Perez—kagabi, April 25, sa huling pagkakatipun-tipon ng kanyang mga mahal sa buhay upang magbigay ng huling pagpupugay sa mahal na yumao.
Nasa Christ The King Chapel sa Green Meadows Subdivision, Pasig City, ang pamilya ni AJ—his dad Gerry, mom Marivic, and younger brother Gello Perez—at mga kamag-anak.
Nandun din ang mga kasamahan ng 18-year-old actor sa Kapamilya network, kabilang ang executives ng ABS-CBN network na sina Cory Vidanes, Linggit Tan, Deo Endrinal, adprom manager Roxy Liquigan, director Don Cuaresma (ng teleseryeng Sabel na huling tinampukan ng young actor katambal ang baguhang young actress na si Jessy Mendiola, na dumalo rin sa wake), mga miyembro ng Gigger Boys (kabilang sina Sam Concepcion, Enrique Gil, at Aaron Villaflor).
Dumalo rin ang mga kinatawan ng media, kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal).
Ang unang bahagi ng wake kagabi, dakong alas-nuwebe, ay para sa memorial service na inihanda ng buong batch ng La Salle Greenhills High School Batch 2011, na kabilang si AJ bilang alumnus.
Kabilang din dito si Steph Ayson, na girlfriend ni AJ sa panahon ng kanyang pagyao.
Natapos ang maikling memorial rite bago mag-10:30 ng gabi.
Kabilang din sa mga namataan ng PEP sa burol ay ang aktres na si Daria Ramirez, Joseph Marco, Albie Casiño, Dra. Vicki Belo and daughter Cristalle Henares, Duncan Ramos, Sarah Lahbati and Steven Silva (ng Kapuso network), at Bangs Garcia.
Bago maghatinggabi ay inaantabayanan ng ABS-CBN News Team ang pagdating ng mga Kapamilya stars na kabilang sa Star Magic, mula sa kanilang US Tour. At lagpas hatinggabi nga ay dumating sina KC Concepcion at Sam Milby, at ang chairman emeritus ng Star Magic na si Johnny Manahan.
Samantala, sa entertainment news segment ng Bandila kagabi, naisahimpapawid ang ilang pahayag ng pakikisimpatiya sa mga naulila ni AJ—mula kina Eugene Domingo at John Lapus, na co-stars ni AJ sa tinampukang pelikulang Mamarazzi; kay Fatima Soriano, na unang nabanggit na pag-aalayan ng mga mata ni AJ pero hindi natuloy dahil sa ilang kadahilanan; at Daniel delos Santos, ang batang siyang tatanggap ng isang cornea ng namayapa.
Nasa wake kagabi ang batang si Fatima.
Ngayong araw, April 26, ang paghahatid kay AJ sa kanyang huling hantungan sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
STEPH AYSON. Naabutan ng PEP ang pagsasalita ni Steph Ayson, ang naiwang girlfriend ni AJ Perez.
Banayad sa kanyang pagsasalita, pero madamdamin ang kabuuan ng mga naipahayag ni Steph patungkol sa kanyang yumaong kasintahan.
Sa ilang anecdotes ni Steph tungkol sa naging relasyon nila ng young actor, masasalamin ang pagiging romantiko at likas na pagkadisente ni AJ bilang mangingibig.




0

