Aminado ang four-time Box-Office Queen at Comedy Concert Queen na si Ai Ai delas Alas na nao-overwhelm siya sa sunud-sunod na blessings na dumarating sa kanya ngayon.
Matapos niyang parangalan bilang 2010 Box Office Queen ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation ay nadagdagan na naman ang endorsements niya.
Ipinakilala si Ai-Ai bilang latest celebrity endorser ng Flawless sa presscon na ginanap sa 55 Events Place sa Sct. Rallos St., Quezon City kahapon, May 12.
Sinasabi tuloy sa showbiz na tila nakikipagkumpitensiya na siya sa mga kaibigang sina Sharon Cuneta at Kris Aquino—sa paramihan ng endorsements, billboards, awards at titulo.
"Mas marami pa rin naman yung sa kanila. Pero sabi ko nga, thankful ako na merong mga nagtitiwala sa akin tulad ng Flawless. Blessing ito," sabi ni Ai Ai nang ma-interview siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press pagkatapos ng presscon.
AWARDS. Pati nga raw sa paramihan ng Box-Office Queen awards ay humahabol na rin siya kay Sharon.
"Sabi nga sa akin ni BFF [best friend forever], ni Sharon Cuneta...sabi niya, 'BFF, sana mapantayan mo yung mga box office ko.' Sabi ko, 'Baka naman mamatay na ako hindi ko pa napapantayan yan.' Siyam yung kanya e, apat pa lang yung akin. So, kailangan ko pa ng lima."
Ano ang mas masarap, ang maging Box-Office Queen o Best Actress?
"Pareho. Pero masarap talaga maging Box Office Queen kasi syempre ang lungkot naman pag hindi pinapanood ang pelikula mo. Kaya masaya ako pag may Box Office Queen award ako kasi ibig sabihin pinapanood nila yung pelikula ko."
Sa dami ng awards niya, fulfilled na ba siya?
"Fulfilled! Pasok! Flawless!" sabi ng totoong witty at funny star.
Nalulungkot ba siya kapag hindi siya nananalo kapag nominated siya, gaya ng sa nakaraang Golden Screen Awards na tinalo siya ni Angelica Panganiban?
"Okay lang, ganun talaga ang buhay. Hindi naman lahat sa iyo.
"Malay mo ako naman sa PMPC Star Awards, di ba? Hindi natin alam."
ENTERING POLITICS? Nabalita noon na gusto ring pumasok ni Ai Ai sa pulitika bilang mayor ng Calatagan, Batangas, para mapagsilbihan ang mga kababayan niya roon.




0

