Ang maanghang na pahayag ni Senator Miriam Santiago kaugnay sa posisyon ni Sarangani Rep. Manny Pacquiaio sa pinagdedebatehang Reproductive Health Bill, o RH Bill, ang unang tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa victory party na ibinigay ni Ilocos Sur Governor Chavit Singson para sa Pambansang Kamao.
Ginanap ang victory party sa clubhouse ng Corinthian Gardens kagabi, May 22.
Kalmado at nakangiting nagbigay ng kanyang pahayag ang asawa ni Pacman maging sa sinabi ni Senator Santiago na gumagamit naman daw si Jinkee ng birth control pills.
"That was a long time ago na gumamit ako ng pills. Pero hindi alam ni Manny yun.
"Pero kung alam ko lang na hindi pala siya tama, hindi ko na rin itinuloy," paliwanag ni Jinkee.
Handa rin daw siyang sumuporta sa anumang paniniwala ng kanyang mister kaugnay sa RH bill.
"Kung ano ang conviction niya, doon din ako."
Gustong palampasin ni Jinkee ang samu't saring pambabatikos ng iba sa kanyang asawa dahil alam naman daw niyang may kanya-kanyang opinyon ang bawat Filipino.
"Opinyon nila yun, so be it," pagkikibit-balikat niya.
"Wala naman akong magagawa doon. Yun ang conviction namin."
Sinuportahan din ni Jinkee ang mga reaksyon ng kanyang biyenan na si Dionisia Pacquiao laban kay Senator Santiago at ang panawagan nitong huwag babuyin ang kanyang anak dahil ito ay inihalal ng taumbayan bilang congressman. (CLICK HERE to read related story.)
"Siyempre, pag naririnig niya na medyo may nagsasabi ng masakit tungkol sa anak niya, siyempre, napi-feel ko rin kung ano yung nararamdaman niya."
Ayaw namang magsalita ni Jinkee sa bali-balitang ang pagiging senador o vice president ang susunod na gustong takbuhin ng kanyang asawa sa susunod na eleksyon.
"Naku, matagal pa yung eleksyon! Hindi ko muna iniisip yung mga ganyang bagay.
"Tingnan na lang natin. If it's God's will, why not?" sabi niya.




0

