"Alam n'yo, mahirap talagang magpatawad, lalo na kung nasaktan ka, di ba? But, parang sa ngayon, kung nasaan ako ngayon sa lahat ng blessing na nakukuha ko, parang wala ako sa posisyon para hindi ako magpatawad," says Bea Alonzo.

Photo: Allan Sancon

Ang Kapamilya actress na si Bea Alonzo ang live na nag-guest sa segment ni Boy Abunda sa The Buzz na "The Abunda Challenge" kahapon, May 22.

Pero bago ang mabibigat na questions ay pinag-usapan muna nina Boy at Bea ang nalalapit nang pag-ere ng bagong primetime series ni Bea, ang Guns and Roses, kunsaan kasama niya rito si Robin Padilla.

"Kasama ko po rito si Mr. Robin Padilla, Diether Ocampo, sila Empress, Ejay [Falcon], at marami pa pong iba, "banggit ng young actress.

Anong klaseng Bea ang makikita ng kanyang mga tagahanga sa bago niyang serye?

"Ibang klaseng Bea naman," sambit ng young actress.

"Ito yung side ko na mas astig na hindi nakikita ng mga tao. Mas walang pakialam sa mundo."

BEST YOUNG ACTRESSES. Si Bea, ayon kay Boy, ang isa sa maituturing na brilliant actresses sa henerasyon ngayon. 

Nagbanggit ng tatlong pangalan si Boy ay ipina-rank niya kay Bea kung sino sa palagay niya ang una, ikalawa, at ikatlong pinakamahusay umarte: Angel Locsin, Anne Curtis, at Bea Alonzo.

"Si Angelica Panganiban ang number one!" sagot ni Bea.

"Tingin ko, wala sa choices.

"Alam mo, Tito Boy, meron kasing iba-ibang genre na magaling kami.

"Merong project na 'eto ang weakness ko, ang galing-galing naman nina Angel at Anne. 

"Pero right now, sa mga ipinakita namin, sa tingin ko, si Angel Locsin, si Anne Curtis, at siguro ako. 

"Kasi, hindi pa napapanood ang Guns and Roses!" natawa niyang sabi.

Bilang babae, ano sa tingin ni Bea ang pinaka-seksing bahagi ng katawan ni Robin Padilla?