Former Sexbomb dancer Mia Pangyarihan plays the role of an alabay (apprentice) of a babaylan (priestess) played by Perla Bautista in the epicserye Amaya.

 

 

Kahit na raw wala na sa management ni Joy Cancio na Focus E si Rochelle Pangilinan, hindi naman nawawala ang pagkakaibigan nila ng dati niyang kasamahan sa Sexbomb Girls na si Mia Pangyarihan.

Kuwento ni Mia na magbarkada pa rin sila ni Rochelle kahit na iba na ang nagma-manage dito. Wala naman daw nabago sa kanilang pagkakaibigan.

"Hindi naman affected ang friendship namin ni Rochelle. Walang mababago sa pagkakaibigan namin," ang sabi ni Mia sa naging panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong press launch ng Amaya sa Studio 7 ng GMA Network Studio.

"Maayos naman siyang nagpaalam kay Ate Joy at para rin naman sa ikagaganda ng kinabukasan niya ang ginawa niyang iyon.

"Okey naman sila ni Ate Joy at kelan lang magkakasama kami. Si Ate Joy kasi sobrang busy sa trabaho niya sa kabilang channel. Mabuti nga at naisama niya ako rito sa Amaya kaya magkakasama pa rin kami nila Rochelle."

Gumaganap si Mia bilang alabay or apprentice ng isang babaylan (priestess). Ang sinasamahan niyang babaylan ay si Perla Bautista.

Si Rochelle naman ang nemesis ni Marian Rivera, who plays the title role in the epicserye.

Nananatili si Mia sa management ni Joy at wala naman daw siyang reklamo rito dahil tuluy-tuloy naman ang trabaho niya.

"Kung may reklamo naman ako, ipinapaalam ko agad kay Ate Joy. Hindi yung ibang tao pa ang nakakaalam, 'di ba?

"Ako nga ang inakala nilang unang mawawala sa management ng Focus E dahil sa katarayan ko. Pero nasa poder pa rin niya ako. Wala naman akong nakikitang rason para iwan siya," dagdag pa niya.

Inamin ni Mia na nami-miss na raw niya ang dating samahan nila ng original na Sexbomb Girls.  Every three months daw kasi ay may bago silang season ng Daisy Siete sa GMA-7. Pero after ng 24 seasons ay nagpaalam na ang afternoon drama show nilang iyon.

"Lahat naman kami ay nami-miss ang show na iyon. Kasi doon kami nakilala lahat. Halos lahat ay nakakapanood ng Daisy Siete.

"Doon kami natutong umarte at hindi lang pagkanta at pagsayaw ang alam naming gawin. Kahit na napupuyat kaming lahat, masaya kami kasi sama-sama kaming mga Sexbomb. Isang malaking family kami talaga.

"Oo may panghihinayang na natapos na ang show, pero okey na rin kasi umabot kami ng 24 seasons. Sa six years namin sa show na iyon, nagawa na namin ang lahat, e. Tsaka wala namang ibang show ngayon na umabot ng gano'ng katagal. Kaya happy memories na lang ang hawak naming lahat from Daisy Siete," pag-alala pa ni Mia.

Ngayon raw ay may kanya-kanya na silang mga ginagawa. Inaasahan din naman daw ni Mia na balang-araw ay magkakahiwalay din sila.