"Actually, for me, maliit na bagay lang yun kasi isa lang naman ang nagsasabi na minaltrato ko siya. Pero yung kabuuan ng mga taong nakakakilala sa akin at nakakasama ko, alam nila kung anong klase akong tao," says Nina about the allegation of maltreatment towards her former personal assistant.

Photo: Glen P. Sibonga

Sinagot ng singer na si Nina ang akusasyon ng kanyang dating personal assistant (P.A.) na "minaltrato at inabuso" raw siya ng Soul Siren.

Paratang ng P.A., P200 lang daw ang suweldo na ibinibigay sa kanya ni Nina sa loob ng tatlong taon na pagtatrabaho niya rito.

Bukod dito, nang minsang magkasakit daw ang kanyang ina ay ni hindi man lang daw siya napahiram ng Soul Siren ng P1,500 na dapat sana ay ipangpapagamot niya sa maysakit na ina.

Pero mariin itong pinabulaanan ni Nina nang tanungin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last week tungkol dito.

Paliwanag ng singer, "Una, kaklaruhin ko lang na yung 200 [pesos] na sinasabi niya, pamasahe niya 'yan pauwi, kasi sa Laguna siya nakatira.

"Tapos mayroon siyang 100 [pesos] na meal allowance regardless kung may ibinigay na pagkain sa crew, hindi ko na yun binabawi. 

"May 10,000 [pesos] din siyang suweldo every month, na kahit wala akong show, let's say out of the country ako, bayad siya.

"Yung sinasabing 1,500 [pesos] na sana panggamot ng nanay niya, hindi ko alam 'yan. 

"Kung sinabi niya sa akin yun, baka hindi lang 1,500 ang ibinigay ko sa kanya. 

"Pera lang 'yan, di mo madadala 'yan sa langit. Ipamahagi mo lang yun.

"Magkano lang ba ang 1,500 sa ibinibigay na blessings sa akin?

"So, kumbaga, wala lang sa akin yun.

"Two million nga napahiram ko, 1,500 pa?"

Ang tinutukoy na P2 million ni Nina ay ang halagang ipinahiram niya sa mga magulang ng kanyang dating boyfriend na si Nyoy Volante.

Dagdag pa ni Nina, "OA lang para sa akin kasi parang na-leave out naman yung detail na may ganito ka pang natatanggap per month, tapos may libre pang kain sa shows."