"Ako, para sa akin, sa tingin ko, hindi ko na rin kailangang sagutin yun. Eight years n'yo na rin akong nai-interview and, sa tingin ko, alam na ninyo na hindi ako pumapasok sa mga ganyang publicities or sa mga gimmicks. Pero ang ikinatutuwa ko lang, despite do'n sa mga naglalabasang hindi maganda, nandito pa rin ako," says Dennis Trillo about not answering the allegations made by ex-girlfriend Jennylyn Mercado.

Photo: Noel Orsal

Maganda ang aura ni Dennis Trillo nang humarap siya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press para sa launching ng bagong afternoon series ng GMA-7, ang Sinner or Saint, kagabi, June 7, sa Kamayan restaurant sa West Ave., Quezon City.

Maraming naging isyu kay Dennis nitong mga nakalipas na linggo dahil sa controversial breakup nila ng ex-girlfriend niyang si Jennylyn Mercado. Pero nanatiling tikom ang bibig ng Kapuso actor.

Kaya naman kagabi ay kinumusta ng press si Dennis pagkatapos lumabas ng tell-all interview ni Jennylyn sa YES! magazine, kung saan isiniwalat ng actress-singer ang mapait na sinapit ng kanilang relasyon. (CLICK HERE to read related story.)

"Okay naman, hindi naman masyadong napinsala ng bagyo," nakangiting sambit ni Dennis.

"At eto, marami na namang trabaho. Itong Sinner or Saint at may dalawa rin akong pelikulang ginagawa. 

"Ang Temptation Island, hindi pa tapos," banggit niya sa pelikula ng Regal Films kung saan may special guest appearance siya.

"Yung My Neighbor's Wife, nagsimula na rin kami. Nakakadalawa [shooting days] na kami."

Dito ay makakasama ni Dennis sina Lovi Poe, Carla Abellana, at Jake Cuenca.

Ano naman ang ginagawa niyang therapy pagkatapos ng kontrobersiyang pinagdaanan niya?

"Hindi naman kailangan masyado ng therapy," mabilis niyang tugon.

"Siyempre ngayon, maraming trabaho, mas nakakalimutan ko ngayon yung mga dapat na hindi ko na pinag-iisip. 

"Instead, napo-focus lahat doon sa mga kailangan kong gawin para mas pagbutihin pa at i-improve ang sarili ko. 

"Sa pamamagitan nito, ng mga projects, pagtatrabaho, sa pagkakaroon din ng maraming oras para sa pamilya ko.

"Nakaka-refresh din yung ganoon na mas marami kang oras na nailalaan para sa mahal mo sa buhay."

ISSUE WITH JENNYLYN. Sa lahat ng mga naglabasang isyu at kontrobersiya sa pagitan nila ni Jennylyn, ang panig lang ng actress-singer ang naririnig at nababasa.