Sources claim that Temptation Island stars Heart Evangelista (left) and Marian Rivera (right) are reportedly involved in a feud, which also drags the name of Heart's mother, Mrs. Cecile Ongpauco.

Photo: Rowie Gutierrez

Usap-usapan ngayon ang diumano'y away sa pagitan ng Kapuso stars na sina Marian Rivera at Heart Evangelista.

Magkasama ang dalawang aktres sa remake ng Temptation Island ng Regal Films at GMA Films.

Noong una ay pinabulaanan ni Heart sa kanyang Twitter account noon June 11 ang nababalitang away nila ni Marian, na nagsimula bilang isang blind item.

“Let’s not make a big fuss. Marian and I are okay. Showbiz is showbiz so, Heartworld, 'wag na tayo mag-away-away," saad ni Heart sa kanyang tweet bilang tugon sa mga nagtatalong fans.

Pero kinumpirma ng isang report na may alitan nga sa pagitan nina Marian at Heart nang may nangyaring insidente sa airport sa Manila noong Lunes, June 13, kunsaan sangkot din umano ang ina ni Heart na si Mrs. Cecile Ongpauco.

Galing daw sina Heart at Marian, kasama ang iba pang cast at crew ng Temptation Island, sa Paoay, Ilocos Norte, kunsaan kinunan ang mga natitirang eksena ng kanilang pelikula.

Ayon sa report ng veteran columnist na si Mario Bautista sa People's Journal kahapon, June 14, pagdating daw sa Manila airport ay lalapit sana si Marian kay Heart para magpaalam.

Pero bigla raw siyang sinigawan ng ina ni Heart—na naroon upang sunduin ang anak—at sinabing: "Stay away from my daughter!"

May mga sinabi pa raw na masasakit na salita si Mrs. Ongpauco kay Marian, na napaiyak dahil sa narinig.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo nina Marian at Heart. Bagamat mainit na ang pagtatalo sa iba't ibang social networking sites ng kanilang mga tagahanga bilang pagtatanggol sa mga idolo nila.

Hindi rin malinaw kung ano ang pinag-ugatan ng away ng dalawa.

Pero ayon sa ilang sources ng PEP, tila nagsimula ang gusot sa pagitan ng dalawang aktres nang sabihin sa isang interview ng boyfriend ni Heart na si Daniel Matsunaga na gusto niyang makapareha sa isang proyekto si Marian.

Noon naman daw nasa Ilocos sila ay tila nagparinig si Heart na excited na siyang maka-partner si Dingdong Dantes, na boyfriend naman ni Marian.

May niluluto kasi yatang proyekto ang GMA-7 na pagtatambalan nina Heart at Dingdong.

Doon na raw nagsimula ang iringan nina Marian at Heart.