"Mas maganda 'yong nasa peak ako ng career ko saka umalis kesa naman kung kailan wala na akong career, saka ako aalis," says comebacking actor Leandro Muñoz.

Photo: Paolo Fernandez

Pitong taon na ang nakalilipas mula nang mag-migrate ang aktor na si Leandro Muñoz sa U.S.

Although nag-guest siya last year sa pelikulang In Your Eyes nina Claudine Barretto, Anne Curtis, at Richard Gutierrez, sa States naman kinunan ang kanyang mga eksena kaya hindi kinailangang umuwi ng Pilipinas si Leandro.

Pero umuwi ng bansa si Leandro last June 21 para haraping muli ang kanyang showbiz career.

Isa siya sa leading men ni Nadine Samonte sa first dramaserye ng dating Kapuso actress sa TV5, ang The Sisters.

Paano siya napunta sa TV5?

Ang program manager na si Edlyn Tallada-Abuel ang sumagot para sa nagbabalik na aktor.

Ayon kay Ms. Edlyn, kailangan nila ang isang aktor na magaling at may depth sa acting.

May nag-suggest daw sa kanila na subukang kontakin si Leandro, at baka pumayag na umuwi ng Pilipinas. 

Natuwa naman sila nang tanggapin ni Leandro ang offer.

LEANDRO'S DAUGHTER. Bakit nga ba siya umalis sa Pilipinas at iniwan ang kanyang showbiz career?

Noong late '90s ay isa si Leandro sa sought-after young leading men ng ABS-CBN. Napanood siya sa mga seryeng Saan Ka Man Naroroon? at Sa Dulo ng Walang Hanggan.

 

Ilan naman sa mga pelikulang nagawa niya ay ang Isusumbong Kita Sa Tatay Ko (1999), Kahit Isang Saglit (2000), Kung Ikaw Ay Isang Panaginip (2002), Jologs (2002), at ang pinakahuli bago siya pumunta ng Amerika ay Lupe (2003).

"Ang anak ko ang main reason ng pag-alis ko noon sa Pilipinas," sabi ni Leandro sa dahilan ng pagtalikod niya sa kanyang showbiz career. 

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Leandro sa first taping day ng The Sisters sa Calatagan, Batangas noong Miyerkules, June 29.

Ayon sa aktor, "I'm a single parent, pero naaawa ako sa anak ko dahil binawalan ako ng ABS-CBN na ipaalam sa mga tao na may anak na ako. Kaya ang tawag sa akin ng anak ko, 'Kuya.' 

"She was eight years old then, at inisip ko na habang bata pa siya, umalis na lang kami ng bansa kesa naman itinatago ko lagi ang anak ko.