"Oo, pinag-uusapan naman. Kaya lang sabi ko, kasi sayang naman itong career, e. Habang mainit pa. So, huwag na muna siguro," replied Nadine Samonte when asked if her boyfriend Emerson Chua had asked her to marry him.

Photo: Paolo Fernandez

Pinasyalan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang imbitadong miyembro ng press si Nadine Samonte sa taping nito ng bagong drama series ng TV5 na The Sisters sa Calatagan, Batangas, noong June 29, Huwebes.

Nakatakdang ipalabas ang The Sisters sa ikalawa o ikatlong linggo ng July, bilang kapalit ng malapit nang matapos na TV5 dramaserye na Babaeng Hampaslupa.

"Nakakahilo yung barko... ay yung ano, yung speedboat," nai-share ng bagong TV5 talent sa mga kaharap na press nang umupo na ito para makipag-usap sa mga ito.

Ginagampanan kasi ni Nadine ang parehong papel na Cristina at Bella.

Bago dumating ang press ay nakunan na ang eksenang sakay siya ng isang speedboat patungo sa islang pag-aari ng pamilya nina Cristina at Bella.

Kinumusta ng PEP ang experience niya, so far, sa pakikipagtrabaho sa mga taga-TV5.

"Kasi halos lahat nakatrabaho ko na rin, e. Kaya wala namang problema," sagot ng 23-year-old na dalaga.

Gayunpaman, aminado si Nadine na risk talaga ang paglipat niya sa TV5.

"Kasi hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa iyo," aniya.

"Pero in a way na parang tineyk ko na rin yung risk, it's because para maiba naman ako. Para ma-remodel, ma-reinvent ko naman ang sarili ko."

Isa ba sa mga naging dahilan niya sa paglipat ay ang hindi na niya pagiging masaya sa GMA-7?

"Happy naman ako, so far. Pero medyo marami na rin naman kami, e. So, parang...mag-iba na lang muna siguro ako ng landas."

Binanggit din muli ni Nadine ang kagustuhan niyang sumabay sa paglaki ng Manny Pangilinan-owned TV station.

"Habang bata pa yung network, mas masarap sumama na habang naggu-grow siya, naggu-grow ka rin bilang artista."

Humingi rin daw siya ng opinyon sa iba't ibang kakilala't kaibigan tungkol sa plano niya noon na lumipat sa TV5.