"Harry Potter, kung naririnig mo ako ngayon, be good. After you watch Harry Potter watch Pureza. Best Friends kami niyan ni Harry Potter, e. I love you," jokes Melai Cantiveros. Her movie The Adventures of Pureza: Queen of the Riles will compete with the much-awaited last installment of Harry Potter, which will also open in theaters next week.

Photo: Noel Orsal

Aminado ang celebrity couple na sina Melai Cantiveros and Jason Franscico na matindi ang magiging kalaban ng first movie nila together sa takilya sa susunod na linggo.

Halos magkatapat kasi ang pagpapalabas ng The Adventure of Pureza: Queen of the Riles sa pinakaaabangang huling installment ng Harry Potter series.

Ang Pureza ay simulang ipalalabas sa sinehan sa Miyerkules, Hulyo 13; samantalang ang Harry Potter and the Deathly Hallows Part 2 ay mapapanood simula sa Huwebes, Hulyo 14.

Sa press conference ng Pureza kagabi, Hulyo 4, may isang fan ang humiling na batiin ni Melai si Harry Potter. 

Game naman ang 23-year-old na komedyana na gawin ito at sinabing, "Harry Potter, kung naririnig mo ako ngayon, be good.

"After you watch Harry Potter, watch Pureza.

"Best friends kami niyan ni Harry Potter, e. I love you."

Sa hiwalay na interview kina Melai at Jason, hindi na naitanggi ng una na, "Alam n'yo po, kinakabahan talaga kami dahil nga sa Harry Potter."

Bukod pa rito, kinakabahan din si Melai dahil ito ang unang pelikula na kanyang pagbibidahan. 

Unang sumabak si Melai sa pelikula sa romatic comedy movie na I Do, na pinagbibidahan nina Erich Gonzales at Enchong Dee. Makikita namang kasama niya si Jason sa mga programa sa telebisyon tulad ng Banana Split at Happy, Yipee, Yehey!

"Na-pressure po kami ngayon. Pero sana po mawala na ang pressure kapag natapos na ito," tila natatarantang sabi ni Melai, na gumaganap bilang Pura.

Samantala, umaasa naman si Jason, na gaganap bilang Ruben, na tatangkilikin din ng publiko ang unang pelikula nila ni Melai bilang mag-partner.

"Nasa kagustuhan naman ng tao 'yon," sabi ni Jason. "Pero sana panoorin nila ang una naming pelikula kasi pampamilya naman ito at kahit sino puwedeng manood."

Dagdag pang pang-enganyo ni Melai, "Abangan nila ang mga lessons learned ng mga tao dito. Lahat puwedeng manood—matanda, bata, may ngipin o wala, bakla, tomboy, lahat!"