"Despite negative issues na nagdaan, it's nice to know na that you have your friends by your side. Through thick and thin, sa saya at lungkot, may bagyo man o wala, alam mong nandiyan sila sa tabi mo at masaya sila para sa mga nangyayari sa iyo. Having true friends is more than receiving material gifts. Ang mga kaibigan kasi walang presyo. In short, priceless!" says "birthday girl" John "Sweet" Lapus.

 

With Sweet in this photo are (L-R) Deo Endrinal, Kris Aquino, Tom Rodriguez, and Eugene Domingo.

Photo: Courtesy of John Lapus

Masasabi ni John "Sweet" Lapus na napaka-memorable ng kanyang 37th birthday, na ipinagdiriwang niya ngayong araw, July 7.

Magkakasunod kasi ang nangyari sa bisperas ng kanyang kaarawan na nagsilbing isang malaking regalo sa kanya mula sa kanyang mga malalapit na kaibigan sa industriya at maging sa kanyang pamilya.

PRIVATE SCREENING. Ilang oras bago sumapit ang kanyang birthday, nagkaroon ng isang private screening ng pelikulang kinabibilangan ni Sweet, ang Temptation Island, sa Platinum Cinema ng Gateway Mall sa  Cubao, Quezon City.

Inorganisa ito ng ilang mga kaibigan ni Sweet bilang special gift sa kanya.

Natuwa naman si Sweet dahil first time niyang maregaluhan ng isang private screening, kunsaan mga kaibigan at family members niya lahat ang nasa loob ng sinehan.

"Ang sosyal, di ba? Support lang ako sa mga bidang babae ng Temptation Island, pero ako pa ang nagkaroon ng private screening!" natatawang sabi ni Sweet sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

"Sinabihan lang ako ng kaibigan ko na ito ang regalo nila sa akin. Nag-ambag-ambag sila para mangyari ito.

"Siyempre, sobra akong touched sa ginawa nilang ito para sa akin.

"Sobra akong natutuwa kasi dumating ang mga inaasahan kong mga friends in and out of showbiz.

"Siyempre, pati na ang ilang mga dati kong nakatrabaho sa ABS-CBN at mga kamag-anak ko.

"Ang saya-saya ng gabing ito, kasi puwede kayong mag-okrayan at mag-ingay sa loob ng screening room na walang sisita sa inyo, di ba?

"Kaya napaka-memorable nitong regalong ito para sa akin."

Ilan sa mga namataan ng PEP sa private screening ay sina Eugene Domingo, Direk Chris Martinez, Tom Rodriguez, Direk Bb. Joyce Bernal, Direk Dante "Ga" Garcia, Harlene Bautista, Romnick Sarmenta, Deo Endrinal, Direk Eric Salud, Andrew de Real of The Library, Mosang, Philip Lazaro, at Roselle Monteverde-Teo.

Hinahanap din namin ang mga bida ng Temptation Island na sina Marian Rivera, Heart Evangelista, Lovi Poe, Solenn Heusaff, at Rufa Mae Quinto.