Muling magbabalik-telebisyon ang actress-politician na si Aiko Melendez sa pamamagitan ng bagong afternoon soap opera ng ABS-CBN na Reputasyon.
At dahil matagal naging abala noon si Aiko sa pulitika, nabiro tuloy siya kung ang kanyang pagbabalik ay isang paghahanda para sa susunod na eleksyon.
Natatawa naman itong pinabulaanan ng aktres sa press conference na inihanda ng network para sa cast members ng programa kanina, Hulyo 12, sa 9501 restaurant sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon city.
Ayon kay Aiko, wala pa sa kanyang isip sa ngayon ang pulitika at nakatuon lamang ang atensiyon niya sa mga proyekto niya sa showbiz.
Aniya, "Honestly, ngayon, hindi ko talaga maisip ang politics kasi, nag-e-enjoy ako. Kasi, na-miss ko ito [showbiz] for so long.
"I don't even know kung babalik pa ako sa 2013. Kahit papaano nga dapat sinasabi ko na sa inyo, di ba? E, hindi talaga, e.
"Although kasi, mayroon akong hinihintay na sign. Kapag nangyari 'yon, ibig sabihin no'n, meant talaga ako dito sa showbiz."
Hindi kaya nawalan na ng interest si Aiko sa pulitika dahil sa kanyang pagkabigo nang tumakbo siya para sa vice mayor post ng Quezon City noong 2010?
"No naman," sagot ni Aiko. "Kasi, umabot na ako sa punto ng acceptance. Okay, hindi ako pinalad sa aspeto na ito.
"Pero hindi naman ibig sabihin no'n na kailangan na akong huminto sa pagtulong.
"Kahit naman wala ako sa pulitika ngayon, modesty aside, marami pa rin naman akong natutulong."
Bagamat hindi siya pinalad sa kanyang huling pagsubok sa pulitika, hindi naman daw ibig sabihin nito na tuluyan na niya itong kalilimutan.
Sabi ni Aiko, "Kapag dumating lang 'yong calling ko na 'yan, maybe I'll reconsider.
"Pero ngayon, mas gusto ko munang ibigay ang attention ko dito sa comeback ko."
Unang pinasok ni Aiko ang mundo ng pulitika nang tumakbo at mahalal siya bilang barangay councilor noong 2003. Pagkatapos noon ay pinalad naman siyang maging konsehala sa ikalawang distrito ng Quezon City sa loob ng apat na taon hanggang 2008.




0

