"Maganda ang car. Na parang I wanna ride sa wheels niya, di ba? Mahal yung mga relo niya. Gamit niya," says Rufa Mae Quinto on why she chose Richard Gutierrez.

Photo: Melo Balingit

Si Nomer Lasala ang huli bilang guest mentalist sa segment na "Celebrity Secrets Interpreted" ng Showbiz Central noong Linggo, July 17.

Special guest niya ang isa sa female hosts ng Showbiz Central na si Rufa Mae Quinto.

Unang itinanong ng host ng naturang segment na si Pia Guanio kay Rufa Mae kung ano ang pinakamahal na regalong kanyang natanggap sa buong buhay niya.

"Diamond" ring ang isinulat ni Nomer sa kanyang white cartolina, at ito rin ang isinagot ni Rufa Mae.

Ayon kay Rufa Mae, nasa two to three karats daw ang naturang diamond ring at nasa vault daw ng isang bangko ngayon nakatago.

Ang nasabing singsing ay engagement ring na bigay raw sa kanya ni Mr. M, ang misteryosong ex-boyfriend ni Rufa Mae.

Itinanong ni Pia kung may pag-asa pang matuloy ang kanilang engagement.

"Hindi ko pa naisip. Ngayon ko lang kasi naisip dahil yung tanong nga sa kung ano ang mahal [na regalo].

"Kung may chance pa? Ewan ko. Parang waley! Habang may buhay may chance, di ba?" sagot ng aktres.

Ang sumunod na tanong kay Rufa Mae ay kung sinong aktor ang gusto niyang maka-date, given a chance.

Tinitigan ni Nomer ang sexy actress at sinabing, "Ang dami niyan, please narrow down to one. Isa lang."

Sumagot naman ang comedienne.

"Wala talaga akong gustong maka-date. Pero mero'n akong gustong isipin na... Kapuso."

"Richard G." ang isinulat ni Nomer sa cartolina, at "Richard Gutierrez" ang isinagot ni Rufa Mae.