"For me, there's always gonna be haters. You can't please everyone. If I try to please everyone, baka masira ang ulo [ko]. Basta kami, we'll just try to do our best," says Xian Lim about the possible reaction of the avid fans of former screen partners Kim Chiu and Gerald Anderson to My Binondo Girl.

 

Photo: Nerisa Almo

Kilala ang mga tagahanga nina Kim Chiu at Gerald Anderson sa pagiging solid sa pagsuporta sa anumang proyekto ng kanilang mga idolo.

Kaya naman nang simulang magkahiwalay na gumawa ng mga teleserye ang dating screen partners, may mga bali-balitang ilang fans nila ang nagpahayag ng pagkadismaya at di pagsuporta.

Umaasa naman ang binatang aktor na si Xian Lim na hindi ganito ang maging reaksiyon ng Kimerald fans.

Si Xian ang isa sa leading men ni Kim sa upcoming primetime series ng ABS-CBN na My Binondo Girl.

"Siguro naman this time, maa-accept nila kami," sabi ni Xian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa post-birthday celebration niya kahapon, Hulyo 19, kasama ang mga matatandang residente ng Anawim Lay Missions Foundation sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

"Di ba, matagal na rin 'yong soap [nilang dalawa]?" patuloy ni Xian. "Matagal na ring walang [project sina] Kim and Gerald. So, maybe the fans will support us."

Sa kabila ng mga naunang balita, hindi naman nababahala si Xian kung sakaling magkaroon ng negatibong reaksiyon mula sa fans nina Kim at Gerald.

"For me, there's always gonna be haters. You can't please everyone.

"If I try to please everyone baka masira ang ulo [ko].

"Basta kami, we'll just try to do our best," sabi ni Xian.

NO COMPETITION. Samantala, natawa naman si Xian nang tanungin siya kung may kumpetisyon ba sa pagitan nila nina Jolo Revilla at Matteo Guidicelli.

Ang dalawang binatang aktor ay gaganap din bilang kapareha ni Kim sa My Binondo Girl.

 

Nabalita kasi noong nakaraang buwan na nagbigay si Jolo ng apat na dosenang siomai kay Kim matapos niyang marinig na kayang makaubos ng 50 piraso nito ang young actress.

"Parang may napanood ako, si Jolo nagbigay ng 100 siomai? Sabi ko nga, ako magbibigay ng 101," pabirong hirit naman ni Xian.

Subalit agad niyang nilinaw na, "Wala namang paligsahan na mangyayari. We're all friends sa set."