"Siyempre, flattered po, and at the same time, super pressure rin in a way. Kasi po, siyempre, idol ko po si Claudine, e. Kung masundan ko man po yung yapak niya, sobrang saya ko po," says Julia Montes about being compared with Claudine Barretto.

Photo: Noel Orsal

"The next Claudine Baretto" ang naging deskripsyon kay Julia Montes sa presscon ng unang pelikula nila ni Kathryn Bernardo sa Star Cinema, ang Way Back Home, kagabi, August 3.

Nakilala ang tandem nina Julia at Kathryn sa nagwakas na top-rated series ng ABS-CBN, ang Mara Clara.

Kontrabida ang papel na ginampanan ni Julia sa serye. Pero hindi kay Gladys Reyes—na siyang orihinal na gumanap sa naturang papel—inihahalintulad ang nakikitang daan ng tatahaking career ng young actress sa showbiz, kundi kay Claudine Barretto.

Mas nakikita raw kay Julia, hindi lang ang imahe ni Claudine, kundi ang magiging pag-angat ng career nito bilang isang aktres.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Julia, hindi ito makapaniwalang inihahalintulad siya kay Claudine.

Aniya, "Ano po, siyempre, flattered po, and at the same time, super pressure rin in a way.

"Kasi po siyempre, idol ko po si Claudine, e.

"Kung masundan ko man po yung yapak niya, sobrang saya ko po. 

"Dream come true ko po yun."

Kapansin-pansin namang parang sumakto ang deskripsyon kay Julia na "next Claudine Baretto" dahil sa mismong presscon, hindi lang ang dating at pustura nito ang nahahawig sa mahusay na aktres kundi maging ang timbre ng kanyang boses at paraan ng pananalita.

Sinasadya ba niyang gayahin si Claudine?

Sa narinig, gulat na gulat si Julia at hindi niya akalaing lalabas na nahahawig siya kay Claudine.

"Ay, talaga po? Ano ba yan? Naku, po, speechless po ako," iiling-iling niyang sabi.

"Masaya po ako. Hindi ko po sinasadya dahil idol ko lang po si Ms. Claudine kaya natural lang na lumalabas. 

"O kaya may traits po kami na magkapareho."