Actor-model Mikael Daez lost his black gym bag containing his MacBook, shades, cap, and other personal items while he was hosting the International Youth Day celebration at the SMX Convention Center last night, August 12.

Photo: Noel Orsal

Nanakawan ang actor-model na si Mikael Daez kahapon, August 12, sa loob ng SMX Convention Center sa Pasay City.

Kuwento ng manager ni Mikael na si Jonas Gaffud, ng Mercator Model and Artist Management, sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nag-host daw kagabi ang Amaya star ng International World Youth Day celebration para sa United Nations.

Kasama ni Mikael na nag-host sina Victor Basa, Gerard Sison, at Bianca Gonzales.

Ayon kay Jonas, dumating si Mikael sa SMX Convention Center bandang alas-singko ng hapon.

Iniwan daw ni Mikael ang kanyang itim na gym bag sa VIP holding room sa may backstage pagkatapos nitong tanungin ang organizers kung safe bang iwanan ang kanyang gamit doon.

Sabi naman ng mga nakausap ng model-actor ay safe daw mag-iwan ng gamit sa naturang lugar.

Kuwento pa ni Jonas, after hosting the event ay nagpunta raw agad si Mikael sa VIP holding room upang balikan ang kanyang gamit. Ngunit laking gulat daw nito na wala na roon ang kanyang gym bag.

Ang laman ng gym bag ni Mikael ay isang MacBook Pro laptop, shades, cap, toiletries, at iba pang personal items.

Ayon kay Jonas, may lumapit daw sa organizers na isang bading na "naka-ponytail at apple green polo shirt."

Nagpakilala raw ito bilang "personal assistant" ni Mikael at sinabing may pinapakuha raw ang kanyang amo sa bag nito.

Sabi ni Jonas, hindi raw pinigilan ng organizers na nasa backstage ang naturang bading dahil sa pakilala nga nitong "P.A." siya ni Mikael.

Pero ang nangyari nga ay natangay lahat ng gamit ni Mikael.

Nananawagan sina Mikael at Jonas na maibalik kahit ang MacBook laptop lang ng aktor dahil naglalaman daw ito ng maraming mahahalagang files.