Magandang balita para kay Nadine Lustre na may second season na ang Bagets: Just Got Lucky at magiging bida na rin siya sa TV remake ng Sharon Cuneta-Gabby Concepcion movie na P.S. I Love You. Si AJ Muhlach ang kanyang partner.

Pero malungkot na binalita ng aktres na hindi na siya miyembro ng Popgirls. Sinabihan na raw siya ng kanilang management na mag-concentrate na siya sa acting tulad ng ginagawa niya ngayon sa Bagets.   

Photo: Courtesy of TV5


Wala nang mairereklamo ang contract artist ng Viva Artist Agency na si Nadine Lustre sa kanyang showbiz career.

Mula sa paglabas sa mga TV commercials ay naging miyembro siya ng all-girl group na Popgirls hanggang sa naging part siya ng cast ng youth-oriented series na Bagets: Just Got Lucky ng Viva Television at TV5.  



Magandang balita para kay Nadine na may second season na ang Bagets at magiging bida na rin siya sa TV remake ng Sharon Cuneta-Gabby Concepcion movie na P.S. I Love You, kunsaan si AJ Muhlach ang kanyang partner.     

Inamin ni Nadine na hindi pa man nagsisimula ang taping ng nasabing remake ay may kaba na siyang nararamdaman dahil alam niyang malaki ang expectations ng mga tao sa proyekto na iyon.   



"Hangga't maaari po, ayokong isipin muna yung P.S. I Love You. Gusto ko munang mag-concentrate sa Bagets dahil nasa ika-second season na nga kami.     

"Nagpapasalamat nga ako kay Lord at siyempre, sa VAA at sa TV5 dahil sa mga projects na binibigay nila sa akin. Happy na ako sa Bagets pero nadagdagan pa dahil sa pagsasama naming ulit ni AJ sa P.S. I Love You.     

"Alam ko po na malaki ang magiging expectation sa amin ni AJ kasi nga pelikula nila Sharon at Gabby ang gagawin namin for TV. Hindi siya basta-basta lang. Malaking project po talaga siya.    



"Iyon po kasi ang magiging first drama series ko, kaya nakaka-excite na nakakakaba. Kaya this early po, pinapag-workshop na nila kami ni AJ para handa na kami kapag nagsimula na ang P.S. I Love You.   



"Kaya tuwing nag-uusap kami ni AJ, sinasabi namin na magtutulungan kami para ma-deserve namin ang magbida sa next big project namin," ang sabi ni Nadine.



Two years old pa lang ang aktres ay nagsimula na siyang gumawa ng mga TV commercials. Lumabas siya sa mga TVC na Red Ribbon, Bear Brand, Johnson & Johnson, Juicy Cologne, Optein Eye Supplement, Aji Ginisa, Bambini Cologne, Globe, Goldilocks, Dove, Fibisco Hi-Ro, Fitrum at Alaska. Lumabas din si Nadine sa kiddie show ng RPN-9 na Storyland.    



"Noong 11 years old po ako, ang first drama show na nilabasan ko was Maalaala Mo Kaya at Magpakailanman. Nag-guest din po ako sa iba't-ibang mga TV shows. Hanggang sa magkaroon ng audition para sa isang all-girl group dito sa Viva.     



"Hilig ko rin po kasi ang kumanta at sumayaw. Yun nga po at nabuo ang Popgirls at naging mainstay kami noon sa SOP at sa Party Pilipinas. Nagkaroon din po kami ng iba't-ibang mall shows at nakapag-perform kami sa mga malalaking venues," ang sabi ni Nadine.  



LEAVES POPGIRL. Pero malungkot na binalita ng aktres na hindi na siya miyembro ng Popgirls. Sinabihan na raw siya ng kanilang management na mag-concentrate na siya sa acting tulad ng ginagawa niya ngayon sa Bagets.  



"Nakakalungkot nga po kasi hindi na kami pinapasama ni Shy Carlos sa Popgirls. Kumbaga, graduate na raw kami sa group at ibang field na raw ang pasukin namin. Acting na raw ang next na concentration namin.   



"Mami-miss ko ang ibang mga kasama namin ni Shy sa Popgirls. Sobrang close na kasi kaming lahat since nabuo kami two years ago.

"Marami na kaming mga pinagsamahan na mga shows kunsaan-saan. Pero nitong huling concert ng Popgirls, nakasama pa kami ni Shy. Kumbaga, yun na ang last show namin with them.



"Pero sabi naman ng Viva ay puwede pa naman kami mag-guest sa ilang shows ng Popgirls. Kahit papa'no nakilala kami ni Shy sa grupo na iyon."

 Sa October 31, 2011 ay magiging 18-years old na si Nadine. Hindi raw niya hangad ang malaking debut party dahil mas gusto raw niyang mag-charity work.    



 "Nagiging praktikal lang po ako. Kasi parang mas fulfilling kung ang igagastos ko sa isang debut party ay i-share ko na lang sa mga mas nangangailangan.

"Hindi po biro ang gumastos sa isang party. Parang nanghihinayan ako sa magagastos, e puwede namang simple na lang kung i-celebrate ko ang birthday ko. Yung kami-kaming pamilya lang. Apat kaming magkakapatid plus ang parents ko, masaya na ako roon. Ang importante, kasama ko ang pamilya ko on my birthday.    

"Natuwa naman ang parents ko sa gusto ko for my 18th birthday. Baka raw mag-iba pa ang isipan ko. Pero sabi ko po na hindi na. Mas gusto kong magkawang-gawa sa araw ng birthday ko. Para lang na sine-share ko ang blessings ko sa kanila."     

GRADUATING SOON. At kahit sobrang busy na ang schedule ni Nadine, hindi raw niya nakakalimutan ang kanyang pag-aaral. Naka-home study program si Nadine under REPSCI (home study). Kapag break raw nila sa taping ay ang mga study modules niya ang hinaharap ni Nadine.    



"Graduating na po ako ng high school sa REPSCI. Kaya kahit na pagod sa taping, inaasikaso ko pa rin ang mga study modules ko. Sayang naman kasi at matatapos na ako sa high school. Para makapag-college na ako.    



"Hindi pa ako decided kung ano ang ite-take up ko na college course. Gusto ko po na kapag nasa college na ako, a-attend ako ng classes. Nakaka-miss din yung may mga classmates ka at nakiki-join ka sa discussion sa klase.     

"Hopefully, matupad ang gusto kong 'yan kahit na may trabaho tayo sa showbiz," pagtatapos pa ni Nadine Lustre.