"Bago talaga siya mamatay, kinailangang marinig niya itong word na ito, dun lang siya napahinga na... Ang sabi ko, ang promise ko, 'Huwag kang mag-alala, okay na ako, kaya ko na ang sarili ko. Hindi ko pababayaan lahat ng mga kapatid ko, ang pamilya ko,'" says Rufa Mae Quinto about her Lola Lucing.

Photo: Melo Balingit

Inihayag ni Rufa Mae Quinto ang kanyang saloobin kaugnay ng pagkamatay ng kanyang Lola Lucing sa panayam sa kanya ng co-host niya sa Showbiz Central na si Raymond Gutierrez.

Ipinalabas ang naturang taped interview kay Rufa Mae kahapon, August 14.

Namatay si Lola Lucing—o Luisa Vergara Peña—noong August 8, Lunes, sa edad na 86, dahil sa sakit na Stage 4 colon cancer.

Ayon kay Rufa Mae, "Actualy, she's not just my grandma, hindi lang lola, siya din mommy ko, siya din ang best friend ko, barkada... lahat, mentor, everything."

Sa kanyang Lola Lucing daw lumaki si Rufa Mae.

"Yung tipong baby pa lang ako, pag nagising ako, mga three years old ako, pag gumising ako nang wala siya sa tabi ko, iiyak ako buong magdamag. Hindi na ako makakatulog.

"So, ganun yung relationship namin."

Kumusta siya as a granddaughter; away-bati ba sila ng lola niya?

"Never kaming nag-away," sabi ni Rufa Mae.

"Siguro minsan pag sa lovelife, siguro nangyari lang yun isang beses lang, ganun. Hindi kami... wala kaming problema.

"Anything, kahit umiyak ka, kahit anong gawin mo, maiintindihan niya, mag-a-advise siya, maiintindihan ko.

"Pero wala, never... naging mabuti akong apo hanggang sa huli.

"Yung tipong siya yung hanggang huling hininga niya, I was there sa buong time.

"Hindi lang yung happy days niya, hanggang sa magwakas na nga."