"It's unfortunate there are people still thinking about these things instead of supporting each sport or the Filipino athlete, as a whole. Pinakikita nila yung medyo, gaano kakitid yung pagkakaintindi nila sa mga sports na ito," says Philippine Azkals manager Dan Palami (in photo) about the Facebook post comparing the Azkals to the Dragon Warriors, the Philippine Dragon Boat Team.

Photo: Noel B. Orsal

Hiningan ng reaksiyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang manager ng Philippine national football team na si Dan Palami tungkol sa nagpapalipat-lipat na Facebook post na ikinukumpara ang Azkals sa Philippine Dragon Boat Team.

Ang Philippine Dragon Boat team, na tinaguriang "Dragon Warriors," ay nakapag-uwi ng pitong medalya (limang gold, dalawang silver) at nakapagtala ng mga bagong world records sa dinaluhan nitong 10th International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa Bay, Florida nitong Agosto.

Sa kabila ng kawalan ng suporta at pagkilala mula sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympics Committee, nairaos at naipanalo ng Dragon Warriors ang sarili, gamit ang sarili nilang pera, panghihiram ng mga gamit at paghingi ng tulong sa mga pribadong indibidwal at kumpanya.

Heto ang nakasaad sa kumakalat na Facebook post:

PH Azkals: 0 Golds, 0 trophies, 5 TV ads, 20% Pinoy
PH Dragonboat team (2011) : 5 Golds, 0 commercials, 90% Pinoy
PH Azkals: with sponsors
...Ph Dragon boat team: inutang at KKB pamasahe.
Ph Azkals: complete outfit
...Ph dragon boat team,; nanghiram pa ng sagwan sa kalaban.
Sasagwan ka ba sa KARANGALAN o sisipa sa PAPOGIAN?

Sa dinner presscon na inihandog ng Cortal SQR sa Manila Polo Club kagabi, August 17, ipinahayag ni Palami ang kanyang pagkadismaya sa pagkalat ng post na ito.

"It's unfortunate there are people still thinking about these things instead of supporting each sport or the Filipino athlete, as a whole.

"Pinakikita nila yung medyo, gaano kakitid yung pagkakaintindi nila sa mga sports na ito."

Sa umpisa nga'y ayaw sanang mag-react ni Palami dahil sa siya ang manager ng Azkals na ikinukumpara sa Dragon Warriors, pero nais lang daw niyang maging tapat sa kanyang opinyon.

"To be honest about it, I'm quite disappointed with the way these people think.

"First of all, there's no such thing as 20 percent Filipino, or 80 percent... We are all Filipinos.

"At tayo man, saan man tayo makarating, o anuman ang sport na nire-represent natin, we carry our flag.

"We should carry it with pride and not carry it at the expense of other sports," diin ni Palami.

Sa palagay pa ng dating UP Law student, na naging CPA (Certified Public Accountant) at CEO ng railways engineering company na Autre Porte Global, Inc. (APT Global), tila nagrereklamo lang ang pasimuno ng Facebook post tungkol sa suportang dapat ibigay sa Philippine Dragon Boat Team.

"On the second note, yung nakikita ko rin sa Facebook... parang nagrereklamo sila sa suporta na binibigay siguro, o kino-compare, and actually saying na we should be fair and susuportahan din dapat natin yung dragon boat.