"Masaya at saka thankful ako sa pagtanggap nila at pag-aalaga nila kay Mommy. Grabe, ang babait talaga! Tingnan mo, may project agad si Mommy. May trabaho. Hindi nila pinababayaan. Masaya talaga ako," says Matet de Leon about her mom, Nora Aunor (inset).

Photo: Noel Orsal

Kung meron mang masayang-masaya sa pagbabalik ng Superstar na si Nora Aunor sa Pilipinas, ito ay ang isa pa niyang adopted daughter na si Matet de Leon.

Masiglang-masigla nga si Matet sa pagkukuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa samahan nila ngayon ng kanyang mommy.

Dumalaw si Matet sa taping ni Nora para sa mini-serye nitong Sa Ngalan ng Ina sa Bosoboso, Rizal noong Lunes ng hapon, September 5.

Habang abala si Nora sa pagbabasa ng kanyang script, hinila muna ng PEP si Matet sa isang tabi para sa isang kuwentuhan.

"Naku, ang gulo-gulo namin as of the moment!

"Kinakabag na kami as of the moment. Ang kukulit namin!" masayang sabi ni Matet.

Kuwento pa niya, natulog sila sa condo unit ng mommy niya sa Eastwood noong Sabado, September 3.

"Natulog kami sa bahay niya no'ng Saturday, tapos buong araw kaming magkasama kahapon [Sunday]. 

"Tapos ngayon [Lunes], dito sa taping niya."

Ayon kay Matet, tuwing weekend sila pumupunta sa Eastwood.

"Lagi kaming nasa Eastwood. Pero hindi namin napupuntahan nang madalas si Mommy dahil minsan wala siya, minsan tulog, nagpapahinga galing sa taping. 

"Pag ano lang, 'Mommy, nandito kami sa baba, may gusto ba kayong pagkain?' Sasabihin niya, 'Akyat kayo dito.'

"Pero lagi kami talaga sa Eastwood kahit before, kaya mas okey ngayon kasi dito nakatira si Mama."

Ayon kay Matet, kakaiba ang samahan nila ngayon ng kanyang ina.

"Iba, e. Kasi ngayon, malalaki na kami," sabi niya.