Confident si Cesar Montano na tatangkilikin ng moviegoers ang bago niyang pelikulang Hitman na produced ng kanyang CM Productions at idi-distribute ng Viva Films. Bagama't wala pang actual playdate ay sigurado naman daw na mapapanood ito sa mga sinehan sa November 2011.
Sinasabing ang pelikulang ito ang magbabalik sa kasikatan ng action films sa movie industry.
"Matagal na kasing walang napapanood na local action movies ang mga Pilipino. Alam kong naghahanap din sila kaya lang ay wala pang naglalakas-loob na gumawa ulit ng action. Naniniwala ako na it's about time to bring back the glory days of action movies. Kaya naisip namin na gawin itong Hitman," sabi ni Cesar.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Cesar sa shooting ng Hitman kagabi, September 17, sa HK Sun Plaza sa Macapagal Blvd., Pasay City.
Bukod sa pagiging bida sa Hitman, si Cesar din ang direktor at co-writer nito. Very proud nga siya sa action scenes na ginawa niya rito.
"Kakaibang action ang makikita n'yo rito. Not the usual explosions and all, but very different. There will be a lot of chase scenes, running gun battle and the way the camera captured all of it is really something else."
First time din na nakipagtulungan ang kanyang production outfit sa Viva Films, kaya pursigido si Cesar na pagandahin ang pelikulang ito.
"As a director, actor, and producer at the same time, ang inaalala ko yung totality, kung paano magiging maganda yung mismong kabuuan ng istorya, ng pelikula.
"Kung paano ito matatanggap ng Pilipino audience, kung paano kikita yung pelikula, lalo na ito yung first time na nag-merge kami ng Viva. So, I have to prove to Vic del Rosario [big boss ng Viva], to Viva per se, na I can direct, act, and at the same time, produce a film."
Kasama rin sa cast ng Hitman sina Phillip Salvador, Ricky Davao, Mark Herras, Joko Diaz, Sam Pinto at ang anak ni Cesar na si Diego Loyzaga.
FIRST TIME WITH PHILLIP. Ang Hitman ang kauna-unahang pelikula na nakasama ni Cesar si Phillip, na gumaganap na pangunahing kontrabida niya.
"First time naming nagsama. Dati guesting lang kami sa pelikula ni Willie Revillame. But now full-length film na kami, yung sentro ng istorya."
Kumusta katrabaho ang katulad niya'y magaling din na aktor?
"Of course, it's an honor for me. It's a great opportunity to work with Phillip Salvador. Malaking karangalan kaya talagang parang dream come true po ito. Kaya nung tinanggap niya itong pelikulang ito, malaking kaligayahan ko talaga. Sana hindi lang ito yung una't huli. Sana masundan pa ng iba pang pelikula."
Malaki raw ang naitulong ni Phillip sa pelikula lalo na sa pagga-guide sa pag-arte ng iba pa nilang kasamang artista.




0

