Tween tandem Barbie Forteza (left) and Joshua Dionisio (right) star in the remake of the 2001 GMA-7 drama series,  Ikaw Lang Ang Mamahalin. Also in the cast are Kristoffer Martin and Joyce Ching, another popular tween pair.

 

Photo: Noel Orsal

Nag-taping na para sa bago nilang afternoon drama series ang sikat na tween tandem na sina Barbie Forteza at Joshua Dionisio.

Ang remake ng 2001 drama series ng GMA-7 na Ikaw Lang Ang Mamahalin ang siyang pagbibidahan ng love team na Josh-Bie. Makakasama nila dito ang isa pang sumisikat na tween pair, sina Kristoffer Martin at Joyce Ching or Kris-Joy.

Kinunan ang unang mga eksena nila Joshua at Barbie sa Multinational Village in Parañaque City last September 24. Kuwento ng dalawa, very different daw itong bagong series nila kumpara sa mga pinagbidahan nila na First Time, Pilyang Kerubin at Nita Negrita. Mabigat na ang mga eksena nila rito at mate-test na ang mga natutunan nila sa mga acting workshops.

"First taping day ko po for this show, at ito ang unang eksena namin ni Barbie na magkasama. Sa binigay naman na script po sa akin, wala pa naman akong nabasang mga mabibigat na eksena," sabi ni Joshua.

"Pero ini-expect ko naman po na may mga big dramatic scenes akong gagawin. Prepared naman po ako sa mga iyon."

Si Barbie naman ay nakatatlong taping days na para sa bagong series at kaagad siya isinalang sa mga madramang eksena.

"Sa first at second taping day ko po, iyakan na kaagad. Ito pong third taping day, may sampal na akong natikman sa eksena. Gano'n po kabigat ang series na ito," aniya.

"Inaasahan ko naman po na every taping namin ay ganito kabigat. May mga light episodes naman, pero mostly po mga sobrang matinding drama.

"Kaya lahat ng mga natutunan ko sa acting workshop namin with Ms. Anne Villegas, tinandaan ko lahat. Para prepared ako sa anumang eksenang ipagawa sa akin."

MORE DRAMA. Compared sa mga dati nilang nagawang mga series, mas magbu-bloom ang love story ng Josh-Bie sa Ikaw Lang Ang Mamahalin. Pero dahil menor de edad pa sila, iaakma raw ang takbo ng love story sa kanilang edad, para hindi sabihing pinapa-mature sila kaagad bilang mga artista.

"Kahit nga po may love story dito, hindi naman kami lalabas doon sa limit namin. Gusto nila, we are still playing our age.

"Huwag daw kaming madaliin masyado. May mga fans po kasi na nagsasabi na baka pinapa-mature kami agad. Yun ang medyo iniiwasan naming mangyari sa teamup namin ni Barbie," sabi ni Joshua.

Pabor naman si Barbie dito dahil hindi pa daw siya ready sa mga eksenang maglalambingan sila ni Joshua. Hindi pa raw bagay sa kanila iyon.

"Kahit naman po sa Tween Hearts na show namin, hindi kami gano'n na may serious love story. Yung normal lang na mga teenagers na nagkakagustuhan. May dagdag kilig lang ngayon sa ginagawa naming series.

"Ayoko rin naman po na aarte ako na wala sa edad ko. Fourteen years old lang po ako at ayoko magmadali. Mas maganda na rin yung ini-enjoy ko kung ano ang age ko."