"Noon ko na-realize kung gaano ako kabobo. Sixteen years na yun ang binabati ko, pero hindi ko siya mabasa. Hindi ko siya mabasa kung wala yung listahan ko. Kailangan meron talaga yung listahan ko, pag wala, wa! Wa, forget!" says Lolit Solis about her "alok-bati" portion on Startalk.

Photo: Noel Orsal

Ngayong Oktubre ay nagdiriwang ng kanilang 16th anniversary ang weekly showbiz talk show ng GMA-7 na Startalk. 

Kaya naman binisita ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media ang set ng Startalk noong Sabado, October 1, sa Studio 6 ng GMA Network.

Dito ay nakausap ng PEP ang isa sa mga hosts ng programa na si Lolit Solis—o mas kilala sa bansag na "Manay Lolit."

Kasama rin niya sa programa sina Joey de Leon, Butch Francisco, at Ricky Lo.

Among the original hosts of Startalk, si Manay Lolit na lang ang naiiwan. Ang mga unang hosts ng programa, bukod sa kanya, ay sina Kris Aquino at Boy Abunda na parehong nasa ABS-CBN na.

Hindi pa ba nagsasawa si Manay Lolit sa paghu-host ng Startalk for 16 years?

"Bakit ako magsasawa? E, ano, di ba, eto na nga lang ang ano ko... at saka wala naman akong ginagawa diyan kundi sa alok-bati ko, 'no!" natatawang sabi niya.

Ang ibig niyang tukuyin dito ay ang ginagawa niyang pagbati sa mga kaibigan niya at pagbanggit ng ilang sponsors niya. Naging tampulan na ito ng biro, dahil sunod-sunod ang pagbati ni Lolit, hangga't naging biruan na rin na oras ang pagbati niya.

Dagdag ni Lolit, "Noon ko na-realize kung gaano ako kabobo.

"Sixteen years na yun ang binabati ko, pero hindi ko siya mabasa. Hindi ko siya mabasa kung wala yung listahan ko.

"Kailangan meron talaga yung listahan ko, pag wala, wa! Wa, forget!"

HOW TO BE A MANAGER. Bukod sa pagiging isa sa mga hosts ng Startalk, si Manay Lolit din ang isa sa itinuturing na "most powerful talent managers" sa Pilipinas.

Ilan sa mga hinahawakan niyang artista ay sina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Senator Bong Revilla, Rep. Lani Mercado, Tonton Gutierrez, at Mark Herras.

Dahil isa rin siyang talent manager, kinuha ng PEP ang opinyon ni Manay Lolit sa kasong child abuse na isinampa ni Nadia Montenegro laban kay Annabelle Rama.