Gerald Anderson plays a special child in the ABS-CBN primetime series Budoy, which will premiere tonight, October 10.

Photo: Noel Orsal

Nakakapanibago ang hitsura ni Gerald Anderson nang makaharap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, October 9, sa studio kung saan umeere nang live ang The Buzz sa ABS-CBN. 

Iba kasi ang hairstyle niya na siyang kinailangan nga para sa bagong seryeng pinagbibidahan niya, ang Budoy—malayo kung ikukumpara sa karaniwang clean cut na gupit ng kanyang buhok dati.

Matapos ang live interview niya sa show, nagmamadali na sanang palabas ng studio si Gerald. Pero naharang siya ng PEP para sa ilan pang katanungan.

Marami kasi sa mga nakapanood ng special screening ng Budoy ang pumupuri sa mahusay niyang pagganap sa kanyang role bilang isang special child.

"Siyempre, nakaka-proud," nangiting sabi ng binata nang hingan ng reaksiyon dito. 

"Sobra talaga akong happy na nagustuhan nila. 

"At wala pa 'yan. First week pa lang 'yan. 

"Marami akong preparations na ginawa para sa role ko rito, especially mga research. Tapos immersion, mga workshops.

"Hindi lang ako kundi 'yong buong cast. Pati 'yong mga bata na kasama namin."

Mariin ding nasasabi ni Gerald na wala munang lovelife at sa kanyang career muna siya naka-focus ngayon. Pero talaga bang kaya niyang tiisin na wala muna siyang special someone?

"Talagang gusto ko lang muna pong mag-focus sa trabaho.

"Kumbaga, role of a lifetime nga itong Budoy, so gusto kong mag-concentrate dito," sagot niya.

Ano ang kadalasan niyang ginagawa sa mga pagkakataon na libre siya sa trabaho?

"Nagba-basketball ako kasama ko 'yong friends ko. Nanonood ako ng TV o ng sine. 'Yong mga gano'n.

"Kapag free time talaga, marami rin akong ginagawa para sa sarili ko," saad niya.