Larry Martin, a former senior police officer, expresses his desire to help other policemen concerning health and fitness.

Photo: Nerisa Almo

Gustong bumalik sa serbisyo ng pagkapulis ang kauna-unahang The Biggest Loser Pinoy Edition grand winner na si Larry Martin.

Ito ang ipinahayag ni Larry sa kanyang live interview kay Boy Abunda para sa "Ikaw Na" segment ng late-night news program ng ABS-CBN, ang Bandila, na napanood kagabi, October 10.

Bago ang live interview, naunang ibinalita sa Bandila ang tungkol sa pagbisita ni Larry sa Camp Crame.

Personal siyang nakipagkita kay Philippine National Police Chief Director General Nicanor Bartolome para iparating ang kanyang pagnanais na ituloy ang kanyang serbisyo sa PNP.

Dating police officer (PO1) sa Bicol ang ngayo'y 36-anyos na si Larry. Ang pinakahuling assignment niya ay sa drug enforcement unit ng Pasig police.

Noong March 2000, umalis siya sa serbisyo dahil sa matinding katabaan.

Nagtangkang bumalik sa serbisyo si Larry noong Hulyo 2002. Pero dahil malaki pa rin ang katawan, nabinbin ang kanyang application for reappointment.

Kaya laking pasasalamat ni Larry nang mapasama siya sa reality show ng ABS-CBN na The Biggest Loser Pinoy Edition.

Sa loob lang kasi ng apat na buwan, mula sa 255 pounds ay bumaba ang kanyang timbang sa 154 pounds.

Ang beywang niya na dating 48 inches ay 29 inches na lang ngayon.

Ang nabawas niyang 101 pounds, o katumbas ng 39.61 weight percentage ang naging batayan para hirangin si Larry bilang Pinoy Biggest Loser.

Kasama ng titulo ay napanalunan niya ang mga premyong isang milyong piso, brand new condominium unit mula sa DMCI Homes, Vespa scooter, lifetime membership sa Fitness First, 40" Sony Bravia Internet TV, at Whirlpool appliances.

Siya rin ang magiging cover ng November 2011 issue ng Men's Health magazine.

Pinag-aaralan na ng PNP ang pagbalik ni Larry, partikular sa posibleng unit reassignment niya.