Protégé female contenders: (first row) Lovely Embuscado, Lirah Bermudez, Krizza Neri, and Rosalyn Navarro; (second row) Samantha Felisco, Denise Barbacena, and Jensen Teñoso.

Photo: Courtesy of GMA-7

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang sampung contenders ng Protégé, ang singing talent search ng GMA-7, sa first gala performance nila noong Linggo, October 16, sa SM Mall Of Asia Centerstage.

Sila ay sina Lovely Embuscado (protégé ni Jaya), Samantha Felisco (protégé ni Joey Generoso), Rosalyn Navarro (protégé ni Imelda Papin), Jensen Teñoso (protégé ni Claire dela Fuente), Lirah Bermudez (protégé ni Janno Gibbs), Krizza Neri (protégé ni Aiza Seguerra), Denise Barbacena (protégé ni Gloc-9), Nomer Limatog, Jr. (protégé ni Rachelle Ann Go), Kenneth Monico (protégé ni Jay-R), at ang So What (protégé ni Rey Valera).

LOVELY EMBUSCADO. Pinag-usapan agad si Lovely dahil sa alaga niyang baboy na kinakantahan niya.

Ayon kay Lovely, 13, binili raw nila ang baboy sa palengke sa Tagum, Davao del Norte kung saan sila nakatira noon sina bago sumali sa Protégé.

"Basta binili lang po namin kasi naaawa po ako, at saka parang gusto ko pong mag-alaga ng baboy, e," sabi niya sa PEP.

Lilitsunin ba nila ang baboy paglaki nito?

"Hindi po! Mahal ko po iyon," ang mabilis na reaksiyon ni Lovely.

Ilang taon na ang baboy niya?

"Hindi ko po alam, hindi ko po binibilang, e."

Gaano katagal na niya itong inaalagaan?

"Parang simula po nung umalis kami... parang limang buwan pa lang po."

Nami-miss na nga raw ni Lovely ang baboy na si Lovely. Mahigit isang buwan na raw kasi niya itong hindi nakikita.

At kahit ano raw ang mangyari ay never niyang hahayaan na lutuin ng kahit sino ang alaga niyang baboy.

"Hindi po talaga!" bulalas niya.