Cesar Montano on latest issue about Manny Pacquiao: "Siguro prayers ang maibibigay ko sa kanila. Ipagpi-pray ko na lang, siyempre buhay ng pamilya iyan, e. Mahirap makialam diyan. Only if you want to help the couple, all you have to do is pray for them. That's the best thing you can do."

Photo: Noel Orsal

Napagdudahang tila naghahanda na si Cesar Montano sa muli niyang pagpasok sa pulitika nang sumali siya bilang miyembro ng Rotary Club of Manila-Sta. Ana.

Nagkaroon ng induction kagabi, October 18, na ginanap sa Belissimo restaurant ni Cesar sa Quezon City, at doon na rin ibinigay ng aktor ang 35 wheelchairs na hiningi niya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Malaking tulong daw ito sa mga proyekto ng naturang club kung saan namamahagi sila ng wheelchairs sa iba't ibang hospital na tinutulungan nila.

Magiging active daw si Cesar sa Rotary Club dahil malapit sa kanya ang Sta. Ana na kinalakihan niya.

Hudyat na kaya ito sa muli niyang pagpasok sa pulitika, at sa Maynila na siya tatakbo kung sakali?

"Matagal na nila akong pinipilit diyan, pero sabi ko, tulong na lang ako sa Sta. Ana," sabi ni Cesar.

Marami raw siyang proyektong nasimulan sa Sta. Ana at ilang events na ini-sponsor niya, pero hindi nangangahulugang tatakbo siya sa darating na eleksyon.

Malaki raw ang maitutulong ng pagiging miyembro niya sa Rotary Club sa mga susunod niyang proyekto sa Sta. Ana, pati ang mga pinapag-aral niya na karamihan ay mga college students, kaya talagang nangangailangan daw siya ng tulong.

Pero ang interes sa pulitika ay wala pa raw sa isip niya ngayon.

"Sa ngayon, wala pa sa isip ko. Masarap magpahinga ngayon, hindi ko pa iniisip 'yan.

"Ito na lang, papinta-pinta, paggawa ng pelikula, at marami pa akong isusulat na kuwento," sabi ng aktor.

HITMAN. Pinagkakaabalahan na rin ni Cesar ang post-production ng pelikulang Hitman, kung saan si Sam Pinto ang leading lady niya na personal na pinili ng asawa niyang si Sunshine Cruz.

Sa mainit na eksena nila ni Sam, baka magkaroon na naman ng panibagong intriga sa kanilang dalawa.

Aware daw si Sunshine sa lahat na mga eksenang gagawin nila, lalo na ang maiinit na love scenes na ginawa nila.