Sa ikalawang pagkakataon ay pinarangalan si Coco Martin bilang Best Actor ng KBP Golden Dove Awards. Itinanghal muli siyang Best Actor para sa performance niya sa "Minsan Lang Kita Iibigin."

Photo: Allan Sancon

Matapos ang matinding kontrobersyal na kinaharap ni Coco Martin sa napabalitang panununtok niya kay Matteo Guidicelli noong nakaraang Star Magic Ball ay muli nating nakita si Coco sa katatapos na 20th KBP Golden  Dove Awards Night noong nakaraang October 26, Miyerkules na ginanap sa Star Theater, Star City, Roxas Blvd, Pasay City.

Sa ikalawang pagkakataon ay pinarangalan si Coco bilang Best Actor ng KBP Golden Dove Awards.

Noong nakaraang taon ay pinarangalan din siya sa magaling niyang performance sa teleseryeng Tayong Dalawa, at ngayong taon ay itinanghal muli siyang Best Actor para sa Minsan Lang Kita Iibigin.

Naka-tie niya  bilang Best Actor si Roderick Paulate, para sa Star Confession, The Life Story of Shalala.

Bago tuluyang magpaalam  si Coco sa venue ng awards night para tumakbo sa kanyang shooting ng You Light Up My Life with Angeline Quinto, nagkaroon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na makapanayam ang aktor tungkol sa pagbabati nila ni Mateo at ang ilang mga projects na gagawin niya.

Ito ang kanyang ilang pahayag:

Kamusta na Coco. Pang ilang award mo na ito sa KBP Golden Dove Awards?

"Pangalawa, magkasunod na taon sa KBP Golden Dove Awards."

Anong pakiramdam mo na ikaw uli ang itinanghal na Best Actor ng KBP? Parang you're on the top of the world?

"Hindi naman! Siyempre, sobrang saya ko na sunud-sunod na blessings ang dumarating sa career ko, at sana mag-dire-diretso po."

Sinu-sino ang makakasama mo sa bago mong teleseryeng ginagawa?

"Isang malaking karangalan po at excited na po akong makatrabaho sina Ms. Susan Roces, Ms. Helen Gamboa, saka sina Mr. Richard Gomez at Ms. Dawn Zulueta."

Kamusta yung intrigang nangyari sa inyo ni Matteo Guidicelli?

"Wala na po! Kinalimutan na po namin yun, naka move on na kami."