Director Tikoy Aguiluz on why Nora Aunor was picked as recipient of this year's Lifetime Achievement Award at the Cinemanila International Film Festival: "Mainly because of Himala. Because she was the lead in Himala, the first film to be recognized as the best film in Asia-Pacific of all time, against Crouching Tiger [Hidden Dragon], Chungking Express, Seven Samurai."

Photo: William R. Reyes

Noong Biyernes, Nobyembre 4, ay ginanap ang press launch ng 13th Cinemanila International Film Festival sa Dulcinea, Tomas Morato, Quezon City.

Ang nasabing filmfest ay gaganapin sa November 11-17 sa Market! Market! Cinemas sa Taguig City.

Dito ipapalabas ang mahigit sa walumpung pelikula mula sa ibang bansa at dito sa Pilipinas.

Libre ang tickets para sa filmfest.

Ilan sa mga award-winning films na mapapanood dito ay ang I Saw The Devil ni Kim Jee-Won, Suspiria ni Dario Argento, Pina ni Wim Wenders, 13 Assassins ni Takashi Miike, at Nightfishing ni Park Chan-wook.

LIFETIME ACHIEVEMENT AWARD FOR NORA AUNOR. Isa naman sa mga parangal na itatanghal sa filmfest ay ang Lifetime Achievement Award para kay Nora Aunor.

Kaugnay nito, apat sa mga pelikula ni Nora ang ipapalabas sa filmfest.

Ito ay ang Bona ni Lino Brocka, Himala ni Ishmael Bernal, Minsan May Isang Gamu-Gamo ni Lupita Aquino-Kashiwahara, at Tatlong Taong Walang Diyos ni Mario O'Hara.

Present sa presscon ng Cinemanila International Film Festival si Direk Tikoy Aguiluz, na siyang founder nito.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press kay Direk Tikoy, ipinaliwanag nito kung bakit bibigyan nila ng Lifetime Achievement Award si Nora sa opening night ng festival.

Sabi niya, "Kasi international artist. Yun talaga ang ano, e. Itong bibigyan namin, international artist."

Paliwanag niya, mga world-class artist lamang ang binibigyan ng Lifetime Achievement Award sa Cinemanila.

Ilan na sa mga nabigyan na ng nasabing parangal ay ang American directors na sina Quentin Tarantino at Paul Schrader, ang Indonesian actress na si Christine Hakim, ang Filipino director na si Eddie Romero, at ang local artists na sina Vilma Santos at Dolphy.

Tunay raw na world-class si Nora Aunor dahil may mga nakuha na itong awards sa mga international film festivals, tulad ng Best Actress award mula sa Cairo Film Festival para sa pelikulang The Flor Contemplacion Story (1995).

Nanalo rin siya ng parehong award sa East Asia Film and Television Festival para sa Bakit May Kahapon Pa? (1997).