"I'm very happy that Manny won. Hindi naman biro yung dinaanan niyang preparation for this. So, it's another victory for the Filipino people," says Ormoc City Representative Lucy Torres-Gomez about the latest, if controversial, win of Saranggani Congressman Manny Pacquiao.

Photo: Jocelyn Dimaculangan & Enie Reyes

Aminado si Ormoc City Representative Lucy Torres-Gomez na fan siya ni Sarangani Congressman Manny Pacquiao pagdating sa boxing.

Kaya nga nanood muna siya ng ilang rounds ng laban ni Manny kontra kay Juan Manuel Marquez kahapon, November 13, bago umere nang live ang Paparazzi Showbiz Exposed, kung saan guest co-host siya for two weeks na.

Nagkataon kasing may libreng showing ng laban para sa mga empleyado ng TV5 sa Studio A, na katabi lang ng studio ng Paparazzi, kaya't doon na rin nagpa-makeup at nagpaayos ng buhok si Lucy.

Nang sumalang na siya sa Paparazzi ay hindi pa rin nakalimutang magpa-update ni Lucy sa nangyaring laban.

At isa nga si Lucy sa mga natuwa nang husto nang malamang nanalo si Manny.

FELLOW LAWMAKERS. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lucy pagkatapos ng Paparazzi, at tungkol nga sa tagumpay ni Manny ang una naming napag-usapan.

Bilang kasamahan sa Kongreso ni Manny, ano ang feeling niya sa panalo nito kontra kay Marquez?

Sabi ni Lucy, "I'm very happy that Manny won.

"Hindi naman biro yung dinaanan niyang preparation for this.

"So, it's another victory for the Filipino people."

Nasubukan na ba niyang manood nang live sa laban ni Manny?

"Oo, nanood ako, yung kay Hatton," sagot niya.

Ang sinasabi ni Lucy ay ang International Boxing Organization (IBO) light welterweight championship bout ni Manny kontra kay Ricky Hatton ng United Kingdom.

Ginanap ito noong May 2, 2009 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.