The other two suspects in Ramgen Revilla murder case, identified as Glaiza Vista and Norwin dela Cruz, insist they were not part of the plan to kill Ramgen Revilla, son of former Senator Ramon Revilla, Sr. and half-brother of Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr.

Photo: Photo grabbed from iGMA.TV

Dalawa pang pinaghihinalaang sangkot sa pagpaslang kay Ramgen Revilla ang nasa kustodiya na ng pulisya.

Ayon sa ulat ni Dante Perello sa News To Go ng GMA News TV, sumuko na ang kinilalang mga suspek na sina Glaiza Vista at Norwin dela Cruz sa Parañaque Police kaninang madaling araw, Nobyembre 14.

Matatandaan na sa sinumpaang salaysay ng witness na si Ruel Puzon, idinawit niya ang pangalan ng dalawang magkasintahan.

Sila ang sinasabing naghanap ng hired killers.

(CLICK HERE to read related article.) 

Kinumpirma naman nina Vista at Dela Cruz na kakilala nila ang isa sa mga suspek sa krimen na si Roy Francis Tolisora.

Nakainuman na raw nila ito minsan.

Gayunman, itinanggi nila na may kinalaman sila sa pagpatay kay Ramgen, anak ni dating Senador Ramon Revilla, Sr. at half-brother ni Senator Ramon "Bong" Revilla, Jr.

Nauna nang sumuko si Tolisora at isa pang suspek na si Michael Jay Altea sa pulisya noong nakaraang linggo.

(CLICK HERE to read related article.) 

Ayon sa ulat, sumuko sila dahil sa umano'y mga natatanggap nilang death threats.

Bukod dito, para raw malinis na rin ang kanilang pangalan.

Sa ulat naman ni Sam Nielsen ng dzBB, sinabi ni Parañaque City police chief Senior Superintendent Billy Beltran na nasa isang safe house ngayon sina Vista at Dela Cruz.

Katulad ng iba pang mga pinaghihinalaang sangkot sa krimen, posibleng maharap din nina Vista at Dela Cruz sa mga kasong murder at frustrated murder.

Sa ngayon, isang suspek na lang ang pinaghahanap ng pulisya—isang lalake na may alyas na "Brian."