"Before, gusto ko talaga bida. Yung bida ako. Pero ngayon ang ini-aim ko na lang, basta may trabaho, masaya na ako. Pero if ever na maging maganda ang effect sa akin ng Survivor, gusto kong maging bida siyempre," says Stef Prescott about her showbiz career.

Photo: File photo

Aminado si Stef Prescott na kaya siya sumali sa Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown ay para mapansin ng home network niyang GMA-7.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Stef, inamin nitong maliban sa mapapanalunang P3 million pesos, umaasa rin siyang mas magkaroon ng linaw ang kanyang career sa showbiz, partikular na sa telebisyon o sa Kapuso network.

"Given na yun na gusto ko talagang sumikat. Yung career ko, lumevel-up," pag-amin niya.

"Every time na may show ako, lagi kong sinasabi na sana 'eto na yung big break ko.

"So, eto na naman ako—sana 'eto ang big break ko."

Ang pagsali niya sa Survivor Philippines Celebrity Doubles ang tinutukoy ni Stef.

Maliban sa hangad niyang maging popular, may isa pa rin raw rason si Stef kung bakit siya sumali sa nasabing reality show.

"Hindi lang basta for career-wise.

"On a personal note din naman, ang Survivor talaga is going to change you as a person for the better," paliwanag niya.

FIVE YEARS IN SHOWBIZ. Hindi rin naman itinatanggi ni Stef na may mga pagkakataong nawawalan na siya ng pag-asa sa kanyang career.

"Five years na ako," sambit niya.

"Sabi ko sa mother ko, 'Ma, mag-aral na lang kaya ako?' Dumadaan ako sa gano'n. 

"Pero every time na nag-iisip akong mag-quit, may dumarating namang pasundut-sundot na shows. 

"So, nagpapasalamat na lang ako."

Kahit hindi nawawalan ng pag-asang sumikat si Stef, naiisip na lang niya na kung magiging mailap pa sa kanya ang tagumpay, tatanggapin na lang niya kung ano ang darating sa kanya mula sa showbiz.